CLINIC NA NAGSAGAWA NG LIPO SURGERY IPINASARA

comatose

IPINASARA ang cosmetic clinic na nagsagawa ng liposuction surgery sa isang negos­yanteng babae na ikinamatay nito matapos na ma-comatose.
Ang closure order ay isinilbi ng mga tauhan ng Makati Business Permit and Licensing Office (BPLO) kasama ang Makati City police dakong alas-11 ng umaga sa Advance Face Body Sculpting na matatagpuan sa 2nd floor ng South Park, Paseo De Magallanes, Makati City nitong Huwebes.
Gayundin, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at medical malpractice ang dalawang doktora na nakilalang sina Claudine Roura at Katrina Bulseco na kasaluku­yang inihahanda ng pulisya.
Sa pahayag ng pulisya, ang dalawang doktora ang responsable sa pagkamatay ng biktima na si Nory Bobadilla, 43-anyos ng Negros Occidental na dumayo sa naturang clinic upang sumailalim sa liposuction surgery noong ­Hulyo 3.
Ayon kay Lt. Col. Rogelio Simon, ang biktima ay nawalan ng malay at tumigil ang paghinga habang isinasagawa ang liposuction procedure.
Agad na isinugod ang biktima sa Pa­rañaque Doctors Hospital kung saan ilang araw din itong na-comatose bago binawian ng buhay noong Hulyo 8.
Napag-alaman din na expired na ang business permit ng naturang cosmetic clinic na tumanggi munang magbigay ng pahayag. MARIVIC FERNANDEZ