CLINICAL TRIAL NG AVIGAN MASISIMULAN NA

Maria Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na posibleng masimulan na ngayong linggo ang clinical trial para sa antiviral drug na Avigan.

Ang Avigan na mula sa bansang Japan ay sinasabing nakagagamot sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang virtual press briefing umaga ng Lunes ay nagbigay ng update si Vergeire at sinabing napirmahan na ang memorandum of agreement (MOA) para sa clinical trial ng Avigan.

Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan ay sina Health Secretary Francisco Duque III, ang University of the Philippine o UP Manila chancellor at iba pa.

Sinabi pa ni Vergeire na kaunti na lamang ang kailangang ayusin para maumpisahan na ang clinical trial, kabilang ang database na importante sa trial.

Sa sandaling makumpleto na ito ay tiyak na ang pag-arangkada ng clinical trial para sa Avigan, na dapat ay matagal nang nasimulan.

Matatandaang ilang beses nang naantala ang schedule para sa Avigan clinical trial dahil sa iba’t ibang rason gaya ng delay sa ethics review ng mga ospital na tinukoy para sa trial. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.