CLINICAL TRIALS SA PAGGAMIT NG LAGUNDI VS COVID APRUB NA SA FDA

LAGUNDI

Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagsasagawa ng clinical trials para sa halamang gamot na lagundi, bilang supplemental treatment sa mga indibidwal na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña, ang pag-apruba ay ginawa ng FDA nito lamang unang bahagi ng linggong ito.

Aniya, ang clinical trials para sa lagundi ay pangungunahan  ng mga personnel ng Philippine General Hospital (PGH) at isasagawa sa Quezon Institute quarantine center, Santa Ana Hospital, aat Philippine National Police-NCR community quarantine center.

Nabatid na ang trials ay para sa mga pasyente na may mild cases, upang masolusyunan ang mga sintomas ng mga ito, gaya ng ubo, lagnat at pananakit ng lalamunan.

Sinabi ni dela Peña na malaking bagay kung giginhawa ang mga pasyente mula sa mga naturang sintomas ng COVID-19.

Titingnan din aniya sa clinical trials kung makatutulong ang naturang halamang gamot upang bumaba ang posibilidad na lumala pa ang sakit ng mga pasyente.

Samantala, hindi pa naman umano inaaprubahan ng FDA ang clinical trials para sa halamang gamot na tawa-tawa habang ang in vitro trials naman ng bansa hinggil sa lauric acid, na mula sa virgin coconut oil, at mga derivatives nito, kabilang ang monolaurin, ay kasalukuyan nang isinasagawa sa ibayong dagat.

“So far po ang finding, merong modest, shall we say reduction ng infectivity ng ating SARS-CoV-2 with the use of lauric acid and monolaurin,” ani dela Peña, sa Laging Handa press briefing. “Dahil po doon, kahit modest lang ‘yung reduction, it still justifies our experiments or clinical trials involving VCO against COVID-19. Kasi kahit na modest, nakaka-reduce pa rin sila ng infectivity.” ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.