CLINICAL TRIALS SA PH SA COVID-19 VACCINE NG JAPAN SISIMULAN NA

COVID 19 VACCINE

TARGET ng Department of Health (DOH) na masimulan ngayong Setyembre ang clinical trials para sa anti-flu drug na Avigan bilang gamot sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Matatandaang ang naturang clinical trials sa Avigan ay nakatakda sana noong Setyembre 1 ngunit hindi ito natuloy dahil sa kakulangan ng dokumento.

Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, target nilang masimulan ito ngayong buwan at hinihintay na lamang nila ang mga nakabinbin pang dokumento para rito.

“We target to start ngayong September, we are just now naghihintay ng mga pending documents for processing,” ayon kay Vergeire.

Nabatid na kabilang sa mga dokumentong hinihintay na maisapinal ay ang clinical trial agreements at insurance policy para sa mga taong lalahok dito.

Inaayos pa rin aniya ang database para sa clinical trial para sa epektibong monitoring purposes.

Inaasahang sa Lunes ay handa na ang mga naturang database at iba pang dokumento upang masimulan na nila ang clinical trial sa Avigan, na tatagal ng siyam na buwan.

Matatandaang nitong Agosto ay nag-donate ang Japan ng 199,000 Avigan tablets sa Filipinas para magamit sa clinical trials sa may 100 pasyente ng COVID-19.

Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na gumugulong na rin ang clinical trials sa paggamit ng virgin coconut oil (VCO) para sa COVID-19 treatment.

Ang Sta. Rosa Community Hospital at Philippine General Hospital ang nagsasagawa ng trial sa VCO upang matukoy ang beneficial effects nito sa mga suspect at probable COVID-19.

Inaasahang sasali rin dito ang Medical City Sta. Rosa sa mga susunod na araw. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.