NAISALPAK ni Lou Williams ang isang fadeaway jumper, may 1:29 ang nalalabi, at tumapos na may 33 points at 10 assists upang tulungan ang Los Angeles Clippers na igupo ang Golden State Warriors, 129-121, sa Game 5 noong Miyerkoles ng gabi.
Sa panalo ay natapyas ng Clippers ang kalamangan ng Warriors sa 3-2.
Nakatakda ang Game 6 sa Biyernes (Sabado sa Manila) sa Los Angeles.
Umiskor si Patrick Beverley ng 17 points, habang nagdagdag sina Danilo Gallinari ng 26 points at 7 rebounds, at Montrezl Harrell ng 24 points para sa eighth-seeded Clippers.
Kumana si Kevin Durant ng four-point play upang simulan ang fourth quarter at kinailangan ng Warriors na humabol tulad ng ginawa ng Clippers upang burahin ang 31-point deficit at kunin ang Game 2 noong nakaraang linggo sa ‘biggest comeback’ sa NBA postseason history.
Tumipa si Stephen Curry ng 24 points at nagdagdag si Klay Thompson ng 22 subalit sumablay ang Golden State sa depensa.
Samantala, nagbuhos si James Harden ng 26 points at pinataob ng Houston Rockets ang Utah Jazz, 100-93, upang magwagi sa kanilang first-round playoff series, 4-1.
Umabante ang Rockets sa Western Conference semifinals sa ikatlong sunod na season at makakasagupa ang mananalo sa Los Angeles Clippers-Golden State Warriors series.
Natapyas ni Ricky Rubio ang kalamangan ng Houston sa 94-93 sa isang jump shot, may isang minuto ang nalalabi. Nagmintis si P.J. Tucker sa dalawang free throws, subalit nakuha ang loose ball pagkalipas ng ilang segundo at muling na-foul. Sa pagkakataong ito ay naipasok niya ang da-lawang tira upang ilagay ang talaan sa 96-93.
Nasupalpal ni Harden ang tira ni Ruby Gobert sa sumunod na possession ng Utah at naibuslo niya ang dalawang free throws upang mapalobo ang bentahe sa 98-93, may 38 segundo ang nalalabi.
Nagmintis si Donovan Mitchell, 4-of-22 lamang, sa isang three-pointer matapos nito at nagdagdag si Chris Paul ng dalawa pang free throws upang selyuhan ang panalo.
Ang Rockets ay nakakuha ng suporta kay Clint Capela, na tumipa ng 16 points at 10 rebounds. Inamin niya na nahirapan siyang huminga sa Game 4 loss dahil sa upper respiratory infection at nalimitahan lamang sa apat na puntos.
Makaraang kumamada ng 31 points upang pangunahan ang Utah sa panalo sa Game 4, gumawa lamang si Mitchell ng 12 points sa gabing nagmintis siya sa lahat ng kanyang siyam na three-point attempts.
Nanguna si Royce O’Neale para sa Utah na may 18 points, habang nag-ambag sina Rubio ng 17 at Jae Crowder ng 15.
Comments are closed.