CLIPPERS SA PLAYOFFS

clippers

NAGBUHOS si Danilo Gallinari ng 25 points, at nagdagdag si Lou Williams ng 20 nang opisyal na kunin ng bumibisitang Los Angeles Clippers ang isang playoff spot at mapalawig ang kanilang winning streak sa NBA-best six games sa pamamagitan ng 122-111 panalo laban sa Minnesota Timberwolves noong Martes.

Tumirada si Mon­trezl Harrell ng 18 points at kumawala ang Clippers sa pagtatabla sa Utah Jazz sa Western Conference upang bumalik sa solong ika-5 puwesto, may pitong laro ang nalalabi.  Lima sa huling pitong laro ng Clippers ay sa Los ­Angeles.

Bumuslo ang Clippers ng 54 percent mula sa field, 50 percent mula sa 3-point range at 100 percent mula sa free-throw line, na nagbigay sa kanila ng unang 50-50-100 game sa NBA magmula nang gawin ito ng Golden State War­riors noong Marso 29 ng nakaraang taon.

Umiskor si Karl-Anthony Towns ng 24 points at humablot ng 13 rebounds para sa Timberwolves, na nalasap ang ika-6 na kabiguan sa pitong laro. Ang Minnesota ay nasibak sa playoff contention  noong Huwebes.

Nagdagdag si Gallinari ng 10 rebounds, at nagdagdag si Garrett Temple ng 15 points sa pagbabalik ng Los Angeles sa playoffs makaraang masibak sa postseason noong nakaraang taon na may 42-40 record. Ito ang ika-7 playoff appearance ng Clippers sa nakalipas na walong taon.

LAKERS 124,

WIZARDS 106

Bumuslo si Kentavious Caldwell-Pope ng 6-for-12 mula sa 3-point distance at kumana ng 29 points upang tulungan ang Los Angeles Lakers na igupo ang  Washington Wizards noong Martes ng gabi. Nanalo ang Lakers ng dalawang sunod sa unang pagka-kataon magmula noong mid-January.

Tumipa si LeBron James ng 23 points at 14 assists, gumawa si JaVale McGee ng 20 points, 15 rebounds at 4 blocks, at umiskor si Kyle Kuzma ng 15 para sa Lakers.

Kumamada si Bradley Beal ng  32 points para sa Wizards, na nalasap ang ika-5 sunod na pagkatalo upang pantayan ang kanilang pinakamahabang streak sa season.

Ang iba pang players na nagtala ng double figures ay sina reserves Jabari Parker na may 18 points at Bobby Portis na may 10. Nag-ambag si Tomas Satoransky ng 11 assists para sa Washington.

KINGS 125,

MAVERICKS 121

Sumandal ang bumibisitang Sacramento Kings sa kabayanihan ni De’Aaron Fox upang maitakas ang panalo laban sa Dallas Mavericks.

Naitala ni Fox  ang walo sa huling 11 points ng Kings sa final at decisive 2:27 ng laro, kabilang ang driving layup, may 26.2 segundo ang nalalabi, na nagbigay sa Kings ng 121-117 kalamangan.

Tumapos si Fox na may 23 points, 8 assists at 5 rebounds, at naisalpak ang lahat ng apat na free-throw attempts sa krusyal na sandal.

MAGIC 104,

HEAT 99

Sa larong may mala­king implikasyon sa playoffs, naitala ni Nikola Vucevic ang 18 sa kanyang team-high 24 points sa second half nang gapiin ng bumibisitang Orlando Magic ang Miami Heat.

Nagdagdag si Vucevic ng game-high 16 rebounds at 5 assists sa ika-6 na sunod na panalo ng Orlando, ang longest active streak sa NBA.

Ang dalawang koponan ay nag-aagawan sa eighth at final playoff berth sa Eastern Conference. Sa panalo, ang Magic ay umangat ng kalaha­ting laro laban sa Heat sa standings.

Comments are closed.