NAGBUHOS si DeAndre Jordan ng 16 points at season-high 23 rebounds at kumana si Dennis Smith Jr. ng game-saving block upang tulungan ang host Dallas Mavericks na makopo ang ika-7 sunod na home victory, 114-110, laban sa Los Angeles Clippers.
Naging susi si Jordan sa panalo kung saan umiskor siya sa late tip-in at pagkatapos ay na-tip at naagaw ang pasa ni Lou Williams, may 19 segundo ang nalalabi, habang tangan ng Dallas ang 111-110 kalamangan.
Nakalikom si Smith ng 9 points, 5 assists, 2 steals at 2 blocks. Nakakuha ang Dallas ng malaking kontribusyon mula kina Harrison Barnes, na tumapos na may game-high 30 points at 9 rebounds, at reserve J.J. Barea na kumana ng season-high 24 points, 4 assists at 5 rebounds.
Nanguna si Montrezl Harrell para sa Los Angeles na may 23 points habang nag-ambag sina Williams at Danilo Gallinari ng tig-21.
LAKERS 120,
SUNS 96
Tumipa si Kyle Kuzma ng 23 points at 8 rebounds upang pangunahan ang Los Angeles laban sa bumibisitang Suns. Napalawig ng Lakers ang kanilang winning streak sa tatlo.
Gumawa si LeBron James ng 22 points, 6 rebounds at 8 assists, at nagdagdag si Brandon Ingram ng 15 points para sa Lakers.
Umiskor si Richaun Holmes ng season-high 15 points mula sa bench, at tumapos si Deandre Ayton na may 10 points at 10 rebounds para sa Suns, na nalasap ang ika-5 sunod na kabiguan.
76ERS 103,
GRIZZLIES 95
Naisalpak ni Jimmy Butler ang dalawang free throws, may 1:31 ang nalalabi, at ang isang jumper pagkalipas ng 41 segundo upang mapigilan ang Memphis rally, at ihatid ang host Philadelphia sa panalo.
Nagtala sina Ben Simmons at Joel Embiid ng double-doubles para sa 76ers, na nakompleto ang 3-0 homestand sa kanilang ika-4 na sunod na panalo. Tumapos si Butler na may 21 points at nagdagdag si JJ Redick ng team-high 24 para sa 76ers.
Kumamada si Mike Conley ng team-high 21 points at 5 assists para sa Grizzlies, na natalo ng apat sa kanilang huling limang laro.
Sa iba pang laro ay pinataob ng Pelicans ang Hornets, 119-109; pinalamig ng Spurs ang Trail Blazers, 131-118; at pinaso ng Heat ang Jazz, 102-100.