NAGBUHOS si Nikola Jokic ng 49 points, 14 rebounds at 10 assists, isinalpak ni Aaron Gordon ang isang 3-pointer, may 2.2 segundo ang nalalabi sa overtime, at dinispatsa ng host Denver Nuggets ang Los Angeles Clippers, 130-128, Miyerkoles ng gabi.
Kinapos si Jokic ng isang puntos sa kanyang career high, at tumapos si Gordon na may 28 points. Nagsalansan si Monte Morris ng19 points, 9 rebounds at 9 assists, at umiskor si Jeff Green ng 12 para sa Denver.
Kumubra si Ivica Zubac ng career-high 32 points at kumalawit ng 10 rebounds habang nagdagdag si Reggie Jackson ng 28 points at 12 assists para sa Los Angeles.
Naitabla ni Zubac ang laro sa pamamagitan ng layup, may 26.4 segundo ang nalalabi bago ang final play ng Nuggets. Habang paubos ang oras, ipinasa ni Jokic ang bola kay Gordon sa corner, at ipinasok ni Gordon ang tres habang paubos ang oras.
76ERS 123,
MAGIC 110
Napantayan ni Joel Embiid ang kanyang career high na may 50 points na sinamahan ng 12 rebounds at 3 blocked shots nang pangunahan ang host Philadelphia sa panalo kontra Orlando.
Naipasok ni Embiid ang 17 sa kanyang 23 tira mula sa field at 15 sa 17 mula sa free-throw line. Ito ang kanyang ika-17 career game na may hindi bababa sa 40 points at 10 rebounds. Nagdagdag si Tobias Harris ng 21 points, habang tumirada sina Tyrese Maxey ng 14 at Georges Niang ng 10 para sa Sixers.
Naipasok ni Mo Bamba ang 7 sa 8 3-point attempts, umiskor ng career-high 32 points at nagtala ng tatlong blocked shots bago na-foul out para sa Magic.
BUCKS 126,
GRIZZLIES 114
Tumapos si Giannis Antetokounmpo na kapos ng tatlong assists sa kanyang ika-4 na triple-double sa season nang ipalasap ng Milwaukee sa Memphis ang unang road loss nito magmula noong Dec. 23.
Kumana si Antetokounmpo ng 33 points, kumalawit ng 15 rebounds at nagbigay ng 7 assists upang tulungan ang Bucks na putulin ang kanilang two-game losing streak. Nagdagdag si Khris Middleton ng 27 points.
Nanguna si Ja Morant para sa Grizzlies na may 33 points, 8 rebounds at 14 assists. Nakalikom si Jaren Jackson Jr. ng 29 points, 9 rebounds at 4 blocks.
Sa iba pang laro: Pacers 111, Lakers 104; Pistons 133, Kings 131; Spurs 118, Thunder 96; Rockets 116, Jazz 111; Bulls 117, Cavaliers 104; Nets 119, Wizards 118;Heat 104, Trail Blazers 92; Hawks 134, Timberwolves 122; Mavericks 102, Raptors 98.