CLIPPERS TUMIKLOP SA KINGS

NAGBUHOS si Terence Davis ng season-high 28 points at tinapos ng Sacramento Kings ang 15-game home losing streak sa Los Angeles Clippers nang gapiin ang koponan, 104-99, Sabado ng gabi.

Umiskor si Tyrese Haliburton ng 18 points, nagdagdag si De’Aaron Fox ng 17 points, at nagtala si Marvin Bagley III ng 12 points at 11 rebounds mula sa bench para sa Kings, na huling tinalo ang Clippers sa Sacramento noong March 19, 2013.

Tumipa si Marcus Morris Sr. ng 21 points at 8 rebounds upang pangunahan ang Clippers, na galing sa 119-115 panalo kontra Los Angeles Lakers Biyernes ng gabi.

Nagdagdag si Reggie Jackson ng 18 points; gumawa si Paul George ng 15 points at 10 assists ngunit bumuslo ng 5 -for-21 mula sa floor; at kumamada si Luke Kennard ng 12 mula sa bench para sa Los Angeles.

BUCKS 124,

HEAT 102

Umiskor ang Milwaukee ng hindi bababa sa 30 points sa bawat quarter at tumapos na may third-most points sa isang laro ngayong season nang pataubin ang bisitang Miami.

Tumirada si Khris Middleton, na pinunan ang pagkawala ni Giannis Antetokounmpo, ng 22 points, 9 assists at 6 rebounds. Nag-ambag si Pat Connaughton ng 23 points at nagtala ng 7-of-13 (53.8 percent) mula sa 3-point range, at tumapos si Bobby Portis na may 19 points at 16 rebounds. Nagtala si Jrue Holiday ng 16 points at 7 assists.

Nanguna si Max Strus para sa Miami na may career-high 25 points. Nagdagdag si Tyler Herro ng 15 points, 9 rebounds at 6 assists, at kumabig si Kyle Lowry ng 10 points at 7 assists.

BULLS 111,

NETS 107

Naitala ni DeMar DeRozan ang 13 sa kanyang 29 points sa final period nang gapiib ng Chicago ang host Brooklyn.

Nanguna si Zach LaVine sa lahat ng scorers na may 31 points ngunit iginiya ni DeRozan ang Bulls sa kanilang pinakabagong panalo. Naipasok niya ang anim sa 11 tira sa fourth quarter at iniangat ang kanyang league-leading total sa 178 points sa fourth quarter.

Nakalikom si Kevin Durant ng 28 points at 10 rebounds para sa Nets, na nalasap ang ikalawang kabiguan sa Bulls ngayong season. Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 20 points habang nagsalansan si James Harden ng 14 points, 14 assists at 7 rebounds para sa Nets na bumuslo ng 41.4 percent.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng Grizzlies ang Mavericks, 97-90; giniba ng Spurs ang Warriors, 112-107; at tinambakan ng Celtics ang Trail Blazers, 145-117; at pinulbos ng Nuggets ang Knicks, 113- 99.