NAKA-ISOLATE na at nakatakdang isailalim sa tests ang limang natukoy na close contact ng unang Filipino na nagpositibo sa UK variant ng coronavirus disease sa Filipinas.
Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isang araw matapos kumpirmahin ng ahensiya na nakapasok na bansa ang bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Vergeire, kabilang sa naka-isolate ang nanay ng lalaking Pinoy, ang kanyang dalawang kapatid at girlfriend na pawang nakatira sa Quezon City.
Nakatakda pa lamang isalang sa test ang mga ito bagama’t hindi naman sila nakikitaan ng sintomas.
Nasa 92 sa 159 na mga nakasabay na pasahero ng Pinoy ang na-contact na ng mga awtoridad, kung saan 52 pa lamang ang sumagot.
Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang iba pang mga nakasabay sa Emirates flight EK 332 ng Pinoy na makipag-ugnayan sa awtoridad.
Samantala, wala pang ebidensiyang sa Filipinas nakuha ng nasabing lalaki ang UK variant ng coronavirus.
Sinabi ni Dr. Rolly Cruz, head ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, negatibo naman sa COVID-19 test ang nasabing Pinoy nang umalis ng bansa noong ika-27 ng Disyembre patungong Dubai para sa isang business trip.
Sinabi sa DWIZ ni Cruz na nagsimula na sila ng contact tracing sa nasabing unang kaso, partikular bago ito lumabas ng bansa para mabatid kung saan nito nakuha ang UK variant.
Wala pa tayong evidence na dito niya ‘yon nakuha, kasi negative na sya bago siya umalis, pero ite-test natin lahat ng naging close contact n’ya prior sya umalis within the 14 days na nag-positive sya. ‘Yung mga kapamilya niya, also ‘yung mga nakasalamuha niya, after niyang magpositive, ‘yung mga nag-asikaso sa kanya sa barangay, and also ‘yung mga nasa quarantine facility,” pahayag ni Dr. Cruz sa panayam ng Ratsada Balita.
Comments are closed.