BULACAN – KAHIT na nakararanas ng malalakas na pag-ulan bunsod ng thunderstorm na dulot din ng tag-init ay ikinakasa ng gobyerno ang cloud seeding operation ngayong linggo sa ibabaw ng Angat Dam na sakop ng lalawigang ito.
Ayon sa National Water Resources Board (NWRB) isasagawa ang cloud seeding sa mga apektadong lugar base sa ilalabas na forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga nabanggit na lugar.
Paglilinaw ng NWRB nakadepende ang tagumpay ng gagawing cloud seeding sa tamang klase ng ulap para maging “seedable” sa gagawing operasyon.
Sa kasalukuyang takbo ng panahon ay patuloy ang nakikitang pagbaba ng water level ng mga pangunahing dam sa Luzon.
Sa ulat ng Pagasa nasa 177.03 meters na lamang ang antas ng tubig sa Angat Dam noong Sabado kumpara sa 177.05 meters noong Biyernes.
Ang level naman ng tubig sa Ipo Dam ay bumaba sa 101.02 meters kahapon ng umaga mula sa 101.98 noong Biyernes.
Ang Ambuklao Dam water level ay mabilis din sa pagbaba mula 740.19 meters kamakalawa ay bumaba ito sa 740.13 meters nitong Sabado ng umaga.
Habang naitala rin ang tuloy-tuloy na pagbaba sa antas ng tubig sa Magat, Caliraya at Binga Dam. VERLIN RUIZ
Comments are closed.