COA: P84.5B UTANG NG MGA MIYEMBRO ‘DI NAKOKOLEKTA NG SSS

HINDI pa nakokolekta ng Social Security System (SSS) ang aabot sa P84.53 bilyon na utang ng mga miyembro ng ahensiya noong 2021.

Ayon sa Commission on Audit (COA), ang nasabing halaga ay maaaring muling gawing puhunan para sa mga benepisyo ng mga miyembro ng SSS at ng kanilang mga benepisyaryo.

Pinayuhan ng state auditors ang ahensiya na pagbutihin ang kanilang paniningil sa mga unpaid loans sa pamamagitan nang pagmomonitor sa pagganap ng kanilang mga sangay, at padalhan ng regular billings ang mga miyembro na may utang.

“Delayed completion and full implementation of systems change, plans and programs to improve collection of member loans resulted in the inability of SSS to reduce member loan delinquencies,” nakasaad sa 2021 audit report sa SSS.

“As observed in audit in the previous years, the substantial amount of uncollected loan accounts hindered the system from reinvesting the funds to generate income for the social protection of SSS members and their beneficiaries,” dagdag pa ng COA.

Natuklasan ng COA na ang P84.53 billion uncollected loans ay 75.27 porsiyento ng total balance sa loan accounts ng mga miyembro na umaabot sa P112.295 bilyon noong katapusan ng 2021. EVELYN GARCIA