MATAGAL ko nang isinulat ang isyu sa kontrobersiyal na Kaliwa Dam. Ito ay nasa bulubundukin ng lalawigan ng Quezon at Rizal. Mainit ang isyu sa pagtatayo ng nasabing dam na nakatuon sa pagdagdag ng suplay ng tubig sa lumalaking populasyon ng Metro Manila. Ramdam na ramdam natin ang kakulangan ng suplay ng tubig nitong nakaraang tag-init. Sa katunayan, nakaranas tayo ng kawalan ng tubig sa ating mga tahanan dahil sa matinding pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam at Angat Dam kung saan tayo kumukuha ng suplay ng tubig.
Sa dako naman ng mga nakatirang katutubong Dumagat sa Kaliwa Dam, nanganganib na mawalan sila ng ancestral domain. Ang nasabing mga katutubo ay naninirahan na sa Kaliwa River, ilang siglo na ang nakararaan. Natatakot sila na kapag natuloy ang proyekto ng Kaliwa Dam ay malulubog ang kanilang ancestral domain kasama na ang kanilang kultura at tradisyon.
Noong pumutok itong isyu ng Kaliwa Dam, matatandaan na may isang kompanya mula sa Japan na matagal nang nag-alok ng solusyon sa Kaliwa Dam para hindi mapinsala ang mga katutubong Dumagat. Ang tawag dito ay weir dam. Medyo mababaw lang ang taas ng weir dam kaya diretso lamang ang daloy ng tubig ng Kaliwa River kapag inabot ang rurok ng wier dam. Maliit ang gastos nito. Ayon pa sa kompanya mula sa Japan, sila ang mamumuhunan dito. Walang gastos ang gobyerno. Bakit ayaw ng MWSS ito?
Hindi tulad ng nais ng MWSS, ang Kaliwa Dam ay napakataas. Kaya naman mag-iipon ito ng napakaraming tubig na siguradong malulubog ang malaking parte sa paligid ng Kaliwa River. Kasama sa maaaring malubog sa tubig ang ancestral domain ng katutubong Dumagat pati na rin ang Tinipak National Park na nasa Tanay, Rizal.
Ang mga munisipyo na maaapektuhan ng proyekto ay tutol sa plano ng MWSS. Eh kung ganoon, papaano makakukuha ng permit ang mga kontratista ng Kaliwa Dam? Pati ang mga militanteng grupo ay sinakyan na rin ang nasabing isyu at kasama na rin sa nagpoprotesta sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.
Subalit ito ang matinding ulat mula sa Commission on Audit o COA. Kuwestiyonable raw ang pagbibigay ng MWSS ng kontrata sa China Energy Engineering Corporation Limited (CEEC) noong Disyembre 2018. Bagama’t binigyan na ito ng ‘Notice to Proceed’, marami pang nakatenggang dokumento na kailangan nilang isumite sa MWSS
Ayon sa COA report, ang bidding ay “in the guise of being a competitive procurement process” dahil tila sadya raw ang non-compliance ng qualification requirements ng dalawa sa tatlong Chinese contractors na sumali sa bidding.
Ang bidder na Consortium of Guangdong Foreign Construction ay non-compliant sa eligibility requirements sa pagbubukas ng bids noon, kahit na sinabi na Technical Working Group (TWG) na may “proven track record and work experience” ito.
Sa kabilang dako, ang financial bid ng Power Construction Corporation of China Limited ay ‘surprisingly higher’ ng 6.91 percent sa inaprub na budget sa kontrata ng Kaliwa Dam. Kaya naman ayon sa COA report, “It can be deduced that the two bidders/contractors were included merely to comply with the ‘at least three bidders requirement’ as stated under the Procurement Law.”
Kinuwestiyon din ng COA ang CEEC kung bakit sinimulan na nila ang proyekto samantalang malinaw sa kontrata sa pagitan ng MWSS at ng CEEC na magsisimula lamang ang proyekto kapag nakapagsagawa na sila topographic mapping at geologic drilling matapos nilang makakuha ng Notice to Proceed. Hindi pa yata ito nagawa ng CEEC. Bakit? Dahil hindi nga sila makapunta sa nasabing lugar dahil tutol at galit sa kanila ang mga tao roon. Nanganganib ang buhay nila!
Hay, naku! Tila ang daming gusot nitong proyektong ito. MWSS, mag-isip-isip kayo nang mabuti. Bago pa naman ang administrator ninyo.