COA, SINITA ANG LTO SA PAGBABAYAD SA FOREIGN IT CONTRACTOR

MULING sinita ng Commission on Audit (COA) ang Land Transportation Office (LTO) sa kwestiyonableng pagbabayad nito sa banyagang information technology (IT) contractor na Dermalog sa kabila ng umano’y kakulangan nito kaugnay sa P3.19 bilyong Road IT Infrastructure project.

Iginiit ng COA sa kanilang 2021 Consolidated Annual Audit Report (CAAR) na tinanggap ng LTO ang isinumiteng core applications ng foreign IT contractor sa kabila ng mga kakulangan at aberya ng mga ito. Dahil dito, ayon sa COA, ay nakapagdulot ito ng “undue payment” sa contractor at pagka-agrabyado naman sa panig ng gobyerno.

Kabilang sa core applications na ito ang Driver’s Licensing System (DLS) at Motor Vehicle Inspection and Registration System (MVIRS), na nakapaloob sa Component A ng proyekto na kilala rin sa tawag na Land Transportation Management System (LTMS).

Ayon sa COA, hanggang noong matapos ang taong 2021 ay may mga aberya pa rin ang DLS at MVIRS na siyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagkaantala ng mga transaksyon sa ilang tanggapan ng LTO. Isa sa mga halimbawang binanggit ng COA ay ang napansin nito sa Quezon City Licensing Center, kung saan hindi tinatanggap ng sistema ang lahat ng mga aplikante ng driver’s license na may edad 65 taong gulang pataas. Kulang din daw ang examination terminals kung kaya hindi nito kayang magproseso ng maramihang transaksiyon.

Kung matatandaan ay sinita na rin ng COA ang LTO sa audit report nito noong 2020 dahil din sa hindi wastong pagbabayad sa dayuhang IT contractor.

Sinabi rin ng COA na makailang beses na in-extend ng LTO ang deadline para mapagbigyan ang Dermalog. Ito raw ay nakapagdulot ng pagkalugi sa pamahalaan at malaking aberya sa publiko.

Mismong ang bagong upong LTO chief na si Atty. Teofilo Guadiz ang nagsabi na ang aberya sa LTMS ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagbabagal sa mga transaksyon sa LTO.

Ibinunyag ni Guadiz na ang dating dalawang oras lang na pagkuha at pagrenew ng lisensya ay umaabot na ngayon ng limang araw sa ilang opisina ng LTO.

Nangako si Guadiz na tututukan niya ang isyung ito. BENEDICT ABAYGAR, JR.