COACH BONG RAMOS, PAUL ZAMAR SAGOT SA KAKULANGAN NG BLACKWATER

on the spot- pilipino mirror

BONGGA, sa unang pagkakataon ay ngayon lamang yata naka-4-0 ang kampo ng Blackwater Elite, sa pangunguna ni coach Bong Ramos.

Hindi nakapangsisisi na binitawan ni coach Ramos ang pagko-coach niya sa Indonesia at tinanggap ang pagiging head coach ng Elite. Bagama’t suntok sa buwan ay taas-noo niya itong tinanggap nang magpalit ng head coach ang Blackwater. Mukha kasing nagsawa na sa pagiging talunan ang team kaya naman nag-decide si team owner Dioceldo Sy na magpalit na sila ng coach. Wala namang masamang tinapay kay Mr. Sy, gusto lang kasi ng management na maging maganda ang takbo ng team.

Sabi nga ni coach Bong, sanay na ang team nila na manalo ngayon. Katunayan, isang mala­king isda ang tinalo ng Blackwater noong Friday, walang iba kundi ang Brgy. Ginebra via overtime. Kapit-kamay ang mga player  ni coach Ramos na sina import Henry Walker, Paul Erram, John Pinto, Mike Digregorio, at si Paul Zamar para maitakas ang 113-111 panalo.

Speaking of Zamar, super galing pala itong anak ni coach Boycie Zamar. Si Zamar ang  nagbigay-daan para mag-overtime ang laro, isang malakas na bombang three-pointer ang ibinato nito na tayming naman sa pagtunog  ng buzzer ay  pumasok ito para magkaroon ng 5-minute extension. Hindi nagpabaya ang mga bataan ni coach Ramos, bagkus pinatay nila sa 3 points ang Gin  Kings sa pangunguna ni Zamar. Buti na lang at nabigyan ng breaks si Zamar sa Blackwater, napansin ang player sa pagiging import nito sa isang team sa ABL league na nagpahirap sa koponan ng Alab Pilipinas. Si Zamar ang napiling ‘best player of the game’ sa pagkamada ng 17 points. Congrats kina coach Ramos at Zamar. Sana  sila na nga ang sagot sa kakulangan ng Elite para naman makaungos sila sa semis o finals.

oOo

Tinalo ng Ateneo ang National University noong Sabado sa Araneta Coliseum, 72-46. Nanghihinayang si coach Tab Baldwin sa paglipat ni Dave Ildefonso sa NU. Ayon nga kay coach Baldwin, sana ay nag-isip munang mabuti ang anak ni Danny Ildefonso bago ito lumipat sa Buldogs. Isa sa key players ng Blue Eagles si Dave noong nasa high school ito. Pero noong pagka-graduate ng high school ay sumunod ito sa kapatid niyang si Shaun Ildefonso at sa tatay niya  na isa sa coaching staff ng NU.

Knowing na nagti-training ng bigman ang matandang Ildefonso. Kaya isa si Dave sa sumasailalim sa training ng kanyang ama. Hindi nagsisisi si Dave sa pagsunod niya sa kanyang kuya  at tatay sa NU. Maghaharap pa naman ang NU at Ateneo, kaya sa muling paghaharap ng dalawa ay siguradong paghahandaan ito ni Dave.