COACH RACELA MAY 5 TAONG KONTRATA SA ADAMSON

on the spot- pilipino mirror

BAGAMAN dumating ang matinding pagsubok kay coach Nash Racela nang palitan siya bilang head coach ng Blackwater Bossing ay di naman siya nagkimkim ng sama ng loob sa management.

Katunayan, nagpasalamat pa si coach Racela sa opportunity na ibinigay sa kanya nina team owners Dioceldo Sy at Sylliman Sy na gabayan ang Blackwater ng dalawang conference. Isang dahilan ng pagpapalit ng coach ng Bossing ay wala itong nakuhang panalo  sa bubble game sa Clark, Pampanga.

Pero ‘di lingid  sa kaalaman ng fans na mahina talaga ang team ng Blackwater noong mga panahong iyon.

Pagkalipas ng ilang buwan ay  ito na ang magandang balita para kay coach Racela, na nakababatang kapatid ni coach Olsen Racela. Pinalitan niya  bilang head coach ng Adamson si Franz Pumaren.

Ang magandang balita ay ipinahayag ni Racela sa radio program ng inyong lingkod, ang ‘Sports Tsikadora’, kasama ang partner kong si Grace Torres noong nakaraang Biyernes, alas-8 ng gabi.

Ayon  pa kay coach Nash, binigyan siya ng limang taong kontrata ng Adamson. Ipinakilala na rin siya  sa kanyang mga player. Sa kasalukuyan ay wala pa silang ensayo kung saan naghihintay pa sila ng ‘go signal’ mula sa CHED kung papayagan nang magkaroon ng practice ang college basketball teams.

Ang 84th season ng  University Athletic Association of the Philippibes (UAAP) ay magbubukas sa 2022. Itoy sa unang linggo ng  buwan ng Marso.

Walang ipinangako si coach Nash sa management ng Adamson, bagkus ay sinabing gagawin niya ang lahat para matulungan ang University na lumakas.

Maraming nawalang beteranong players ang Falcons dahil nagsipaglaro na ang mga ito sa iba’t ibang liga sa bansa tulad ng NBL, Filbasket, MPBL, Vismin League, etc. Pawang rookies ang players ni coach Racela.

Anyway, congratulations and good luck, coach Nash.

vvv

Mukhang  hindi  napansin ng mga taga-PBA ‘yung inilabas na  sched para sa isang linggong laro sa Governors’ Cup na magbubukas sa Dec. 8. Buong akala ko ay nagpalit na ng monicker ang Rain or Shine. Nakalagay kasi sa laban ng RoS kontra  Terrafirma Dyip sa Dec. 11 ay Rain or Shine Super LPG. Naku, PBA paki-check ang sched at  monicker ng RoS.