Coalesce produkto ng masayang pagkakamali

SINO’NG mag-aakala na ang isang pagkakamali ay mauuwi sa magandang resulta. Nangyari ito sa watercolor artist na si Jinky Rayo habang siya ay nagpipinta.

Ang mga alagad ng sining ay walang tigil sa pagtuklas ng iba’t ibang estilo sa pagpipinta na bunga ng kanilang imahinasyon o reyalistiko man habang tumatagal ang panahon. Hindi lamang nagkakasya sa kung ano ang mga nakasanayang gawin habang hawak ang kanilang brush sa pagharap sa canvas.

Hindi sinasadyang napaghalo ni Rayo ang maling kulay ng pigment nito dahil may hinahabol siyang kulay. Mali man ang kanyang ginawa, subalit sa halip na manghinayang ay nakakita ito ng magandang resulta rito.

Dito na umusbong ang ideyang coalesce o ang pagsasama na inihalintulad sa magandang resulta ng kombinasyon ng mga kulay ng pigment.

Halos tatlong buwan ang preparation sa Coalesce exhibit. Challenging ito para kay Rayo dahil abstract sa watercolor ang kanyang ginagawa.

Maituturing na kakaiba ang kanyang talento dahil wala pang Pinay ang gumagawa ng abstract sa watercolor.

Ang Coalesce exhibit ni Rayo sa Arte Pintura ay matutunghayan hanggang sa Marso 9. SCA