COAST GUARD DINEPLOY SA ANIM NA NAWAWALANG MINERO

Armand Balilo

ILANG araw bago mag-Pasko,kinailangan magsakripisyo ng mga diver ng Philippine Coast Guard (PCG) para hanapin ang anim pang nawawalang mi­nero na kasama ng apat na nauna nang inahon sa isang mining pit kasunod ng naganap na landslide sa copper mining site ng  Carmen Copper Corporation (CCC).

Dineploy ang mga tauhan ng PCG para mapabilis ang ginagawang  search and rescue operations sa anim na nawawalang minero.

“We deployed ‘yung aming mga divers. Kaninang umaga po pinaalis na ni Admiral [Jose William] Isaga ng Coast Guard District Cebu at sila naman po tutulong sa paghahanap,” pahayag kahapon ni Commodore Armand Balilo.

Hinala ng mga eks­perto na may posibilidad na pinadpad palayo ang mga nawawalang mi­nero sa lugar na may tubig malapit sa crater.

Bukod sa mga diver, pinakilos na rin ng PCG ang kanilang  K-9 teams para makatulong sa search and rescue operations.

Ayon sa mga nangunguna sa mga nagpaplano sa rescue operations na malambot umano ang lupa na naging sanhi ng landslide.

Nabatid na Lunes pa ng hapon nang naganap ang landslide na ikinasawi ng apat na mi­nero bunsod ng walang tigil na pag-ulan dala ng Bagyong Vicky.

Sinisisi ng ilang concerned LGUs ang pamunuan ng CCC sa nangyari dahil ipinagbigay alam na nila ang bitak sa gilid ng bundok malapit sa mining site.

Ayon kay Brgy. Biga chairman Pedro Sepada, ngayon lamang gumalaw ang nasabing kompanya kung saaan ay may nagbuwis na ng buhay.”

Kaugnay nito, inatasan ng Mines and Geosciences Bureau-Region 7 ang  CCC na pansamantalang itigil ang  mining operations sa Carmen Pit bunsod ng insidente.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, alas-4:15 ng hapon nang mangyari ang landslide sa CCC, minahan na ino-operate ng Atlas Consolidated Mining Development Corporation na matatagpuan sa Brgy. Biga ng lungsod.

Nasagip ang nasa 11 sugatang minero su­balit tatlong bangkay ang unang naiahon ng mga rescue team ng pamahalaang lungsod at sumunod na nare­kober ang isa pang bangkay ka­makalawa.

At ang anim pang minero ang sini­sikap na mahanap na hinihinalang natabunan ng lupa o pumailalim sa tubig kasunod ng landslide. VERLIN RUIZ

Comments are closed.