COAST GUARD SANGKOT SA RECRUITING SCAM KINASUHAN

SINAMPAHAN ng kasong kriminal at administratibo ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa nabulgar na modus operandi nito kaugnay sa recruitment para sa mga bagong tauhan ng PCG.

Ayon sa PCG, ang sinampahan ng kasong estafa at administrative case ay kinilalang si CG Petty Officer Third Class Ibrahim Banota.

Lumitaw sa pagsisiyasat na tinangka umano ng suspek na mangikil ng halagang P150,000 sa isang aplikante kapalit ang tiyak na pagpasok sa serbisyo ng Coast Guard sa gitna ng patuloy na cycle ng recruitment ng PCG sa buong bansa para sa taong 2024.

Sinasabing nakarating sa intelligence unit ng PCG ang hinggil sa ilegal na aktibidad ng nasabing tauhan ng Coast Guard Station Western Tawi-Tawi sa Zamboanga City.

Matapos na matanggap ang ulat kaugnay sa modus ng suspek ay agad na nagkasa ng entrapment operation ng PCG at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 9 para ito’y arestuhin.

Ibinahagi naman ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) na kasalukuyan nang pinoproseso ang sinampang kaso para sa nasabing paglabag.
VERLIN RUIZ