CAVITE-WALANG awang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) sa bakuran ng bahay ng biyenan nito sa Indang sa lalawigang ito, Linggo ng hapon.
Sa isinumiteng report ng Indang Police sa tanggapan ni Cavite PNP Director Col. Christopher Olazo, ang biktima ay nakilalang si Coast Guard Officer Randolph ” Randy” Val Siega, 31-anyos, may- asawa at residente ng nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, naghahanda umano ng pananghalian si Siega sa terrace ng bahay ng biyenan nito na si Fernando Panganiban nang biglang pinagbabaril ng suspek na nakilalang si Razon Creus, 55-anyos bandang alas-12:30 ng tanghali sa Barangay Banaba Cerca, Indang.
Si Creus, base sa impormasyon nakuha ng mga pulis ay pinsan buo ng asawa ng biktima.
Mabilis naman nadakip sa hot pursuit operation ng Indang Police si Creus habang naghahanda itong tumakas.
Narekober sa possession ng suspek ang isang cal.38 revolver na ginamit, mga bala at isang Armscor 200.
Ipinag- utos naman ni Olazo sa mga pulis ang malalim na pagsisiyasat sa naturang kaso. ARMAN CAMBE