COC FILING ‘DI JOKE O PANG-FB

COMELEC Commissioner Rowena Guanzon

UMAPELA kahapon sa mga kandidato si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na igalang ang proseso ng eleksiyon at huwag itong gawing katatawanan o pang-Facebook post lamang.

Ito’y kasunod na rin ng  paghahain ng mga kandidato ng  kanilang kandidatura para sa May 13, 2019 elections, ngunit malaunan ay uurong lamang din sa eleksiyon o ‘di kaya ay madedeklara lamang na nuisance candidate o panggulong kandidato.

Ayon kay Guanzon, tulad noong nakalipas na halalan ay inaasahan na nilang posibleng abutin rin ng mahigit sa 100 ang mga maghahain ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador.

Aniya, noong 2016 senatorial race ay umabot sa mahigit 140 kandidato ang naghain ng COC.

Gayunman, 50 lamang sa mga ito ang pinayagang tumakbo habang nadiskuwalipika at nadeklarang nuisance ang iba pa.

Pinakiusapan naman sila ng commissioner na kung wala naman silang bona fide o tunay na intensiyon na maghain ng kandidatura at tumakbo sa eleksiyon ay huwag na lamang ituloy ang pagsusumite ng COC dahil nakadaragdag lamang ito ng trabaho sa poll body.

Aminado naman si Guanzon na hindi nila maaaring pigilan ang mga ito na maghain ng COC dahil karapatan nila ito sa ilalim ng batas.

Gayunman, nanindigan si Guanzon na hindi rin naman nila dapat na ga­wing ‘joke’ o katatawanan lamang o pang-souvenir sa Facebook ang COC filing.

“Ang sa amin lang po talaga, kung hindi nila totohanin talaga, sana ‘wag nilang gawing katatawanan ito o kaya pang-souvenir lang sa kanilang Facebook,” ani Guanzon sa panayam.

“Ang demokrasya hindi naman dapat talagang ginagawang katatawanan o joke lang ba,” aniya pa.  “Kung hindi naman kayo talagang totoong tatakbo at kakampanya, ‘wag na lang po mag-file ng COC,” panawagan pa niya.

Ayon sa commissioner, ang mga itinuturing na nuisance candidate ay yaong nagsumite lamang ng kandidatura upang ga­wing katatawanan ang halalan, lumikha ng kalituhan dahil may kapareho silang pangalan at wala naman talagang intensiyon upang tumakbo sa eleksiyon.

“They just file their candidacy to make a mockery, para gawing katatawanan itong eleksiyon o kaya to cause confusion dahil magkapareho sila ng pa­ngalan… Wala naman silang bona fide na intensyon to run, ‘yan po ang mga nuisance candidate,” aniya.

Kahapon ay pormal nang nagsimula ang COC filing para sa midterm polls at inaasahang magtatagal ito hanggang sa Oktubre 17.

23 KANDIDATO NAG-FILE NG COC

Umabot sa 23 kandidato ang nag-file ng kandidatura kahapon, kabilang dito sina Senador Koko Pimentel III,  dating PNP official  Aber Afuang, sikat na singer na si Freddie Aguilar, na nagpahayag na sakaling palarin siyang maluklok sa puwesto ay isusulong niya ang proteksiyon para sa mga entertainer at gayundin ang pagpapalit ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Naispatan ding naghain ng COC sa pagka-senador sina Senador Nancy Binay at Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, gayundin sina Angon Tuana, na umano’y dating nobyo ni Mocha Uson, at Daniel Magtira, na nagsabi naman noon na dati siyang asawa ng TV host na si Kris Aquino.

Maaga ring naghain ng COC sa pagka-senador si King Salam Emilio Delfin Sr. ng Bicol, na nagpakilalang “Hari ng Pilipinas” at nagnanais na palitan ang pangalan ng bansa at gawin itong “Power of Maharlika Kingdom.” Dati na siyang naideklarang nuisance candidate noong 2013 polls.

Maging ang sikat na cardiologist na si Dr. Willie Ong ay nagsumite rin ng kandidatura sa pagka-senador, sa ilalim ng Lakas-Christian Muslims Democrats (Lakas-CMD) party.

Aniya, nakita niyang walang doktor sa Senado kaya’t walang doctor doon na nagsusulong sa Committee on Health, na tulad ni dating Senador Juan Flavier.

Kaugnay nito, ikinatuwa naman ni Comelec Spokesman James Jimenez na naging mapayapa ang unang araw ng COC filing, organisado aniya ang mga kandidato at nakakasunod sa guidelines na ipinatupad nila sa paghahain ng COC.

Gayunman, nagkaroon ng bahagyang kalituhan dahil ilan sa mga kandidato ay gumamit ng lumang forms kaya’t hindi tinanggap ng Comelec.

Binigyan sila ng pagkakataon ng Comelec na maisaayos ito bago tulu­yang isumite.

Paliwanag naman ng mga kandidato, kinuha lamang nila ang mga form sa Comelec offices at sa malls.

Nabatid na ang bagong COC form ay may question no. 22 kung saan itinatanong kung nagkaroon na ng kaso ang aplikante, na may pinal na hatol at nagbabawal sa kanya na maupo sa anumang puwesto sa gobyerno.

Samantala, sa kabila naman ng pakiusap ng Comelec, nagmistula pa ring ‘circus’ sa labas ng Comelec building dahil sa mga supporter ng mga kandidato na may iba’t ibang pakulo upang ipakita ang suporta sa kani-kanilang kandidato.

Matatandaang una nang nakiusap ang Comelec sa mga supporter na iwasan na ang pagtitipon sa harapan ng kanilang gusali at nilimitahan pa ang mga taong maisasama ng mga maghahain ng kandidatura sa loob ng kanilang tanggapan. ANA ROSARIO HERNANDEZ