COC FILING PARA SA BSKE SA MARAWI ARANGKADA NA

MARAWI-COC FILING

LANAO DEL SUR –UMARANGKADA kahapon ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidatong nais na tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na idaraos sa Marawi City sa Setyembre 22.

Ayon kay Comelec  Spokesperson James Jimenez, magtatapos ang COC filing hanggang sa Agosto 30 lamang, o sa loob ng walong araw.

Aniya, ang mga interesadong kumandidato sa naturang eleksyon ay maaaring maghain ng kanilang COC sa Office of the Election Officer sa Marawi City.

Sinabi ni Jimenez na hindi naman umaasa ang Comelec na maraming kandidato ang maghahain ng COC dahil hindi pa tuluyang nakaaahon ang Marawi City, mula sa pagkalugmok na dulot ng giyerang naganap doon sa pagitan ng mga terorista at tropa ng pamahalaan noong nakaraang taon.

Ang mga maghahain ng kandidatura ay maaari namang magsimulang mangampanya sa Set­yembre 12 hanggang Setyembre 20 lamang o dalawang araw bago ang election day.

Inaasahang lalahukan ang eleksiyon ng may 79,000 botante, na mag­hahalal ng isang punong barangay, pitong mi­yembro ng Sangguniang Barangay, gayundin ng isang SK Chairperson at pitong SK members, sa bawat barangay.

Matatandaang hindi nagkaroon ng BSKE sa sa Marawi City dahil sa limang buwang bakbakan noong nakaraang taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.