ILALABAS ng Commission on Elections sa kanilang website ang Certificate of Candidacy ng mga kakandidato sa 2025 midterm elections dalawang linggo pagkatapos ng filing period mula Oktubre 1 hanggang 8.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, dalawang linggo pa bago mailabas ang COC dahil hihintayin pa nila ang pagdating ng mga COC mula sa mga probinsiya at mga munisipyo.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 1045, magsisimulang maglathala ang Comelec ng COCs kabilang ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONAs) ng mga kandidato sa Oktubre 18.
Ipinaalala naman ni Chairman Garcia na ang mga inihalal na opisyal na tatakbo sa 2025 elections ay dapat na magbitiw mula sa kanilang posisyon sa oras na maghain na ng COCs.
Sa party-list naman, dapat nakapagbitiw na ang opisyal sa unang araw ng campaign period sa Pebrero 11, 2025 kasunod ng desisyon ng Korte Suprema.
RF