(Code white alert sa Metro, Region 3 at 4A) 201 MEDICAL PERSONNEL IDINEPLOY NG DOH SA RUTA NG ANDAS

BILANG paghahanda para sa Traslacion ng Poong Itim na Nazareno bukas, Enero 9, 2025, idineklara ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert mula Enero 6–10, 2025.

Ang alertong ito ay nagsisiguro na ang lahat ng itinalagang medical personnel, kagamitan, at pasilidad sa NCR at mga karatig-rehiyon gaya ng Central Luzon at CALABARZON ay nakaantabay upang mabilis na tumugon sa mga emergency o insidenteng may kaugnayan sa kalusugan sa panahon ng malaking pagtitipong pangrelihiyon.

Ang DOH, sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan ng Maynila ay magtatalaga ng medical teams at mga health station sa mga pangunahing lugar ng ruta ng Traslacion kabilang ang Quirino Grandstand, Rizal Park, SM Manila, Ayala Bridge, P. Casal, at Quinta Market.

Dagdag pa rito, 201 tauhan mula sa Health Emergency Response Team (HERT) ng 20 ospital ng DOH sa Metro Manila, kabilang ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), Tondo Medical Center (TMC), Dr. Jose Fabella Memorial Hospital (DJFMH), at East Avenue Medical Center (EAMC), ang itatalaga.

Ang mga katuwang na ahensya tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), National Ca­pital Region Police Office (NCRPO), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), at DOH Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ay magkakaroon din ng mahalagang papel upang matiyak ang koordinasyon at epektibong pagtugon sa kalusugan.

Ang mga itinalagang health station sa kahabaan ng ruta ng Traslacion ay magbibigay ng basic at advanced care ayon sa panga­ngailangan at nakaantabay din ang mga ambulansya para sa agarang pagdadala ng mga pasyente sa ospital. Ang mga pasilidad tulad ng JRRMMC, TMC, at iba pang ospital ng DOH sa NCR ay handang tumanggap ng mga pasyenteng nanga­ngailangan ng mas masusing atensyong medikal.

Binibigyang-diin din ng DOH ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pag-iingat sa kalusugan at kaligtasan sa panahon ng Traslacion. Hinihikayat ang mga deboto na kung may ubo o sipon at hindi maganda ang pakiramdam, iwasan na muna ang magpunta sa Traslacion para hindi lumala ang kondisyon at mapigilan ang pagkalat ng sakit. Uminom ng walong basong tubig kada araw upang manatiling hydrated, magsuot ng komportableng damit, at limitahan ang matagal na pagkakalantad sa init upang maiwasan ang mga sakit tulad ng heat stroke.

“Ang taunang Traslacion ay panata na ng milyun-milyong mga Pilipinong deboto. Kasama niyo ang DOH sa pagtitiyak ng maayos na kalusugan at kaligtasan ng lahat. Kasama ang ating mga katuwang na ahensya, ang DOH ay handang tumugon sa anumang medical emergencies at magbigay ng agarang pangangalaga. Hinihikayat namin ang lahat ng debotong makipagtulungan, maging mapagmatyag, at unahin ang kanilang kalusugan sa makabuluhang pagdiriwang na ito,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa.

EUNICE CELARIO