Mula sa simpleng empleyado ng isang sikat na hotel at barista ng kilalang milk tea at coffee shop hanggang sa siya na mismo ang maging may-ari at nagpapatakbo ng sariling coffee shop. Ito ang napagtagumpayan ng isang 29-anyos na young entrepreneur na si John Paulo Nicolas o mas kilala bilang JP sa kanyang mga kaibigan sa Barangay Del Monte, Quezon City.
Noon pa man, pangarap na ni JP na magkaroon ng sariling coffee shop kaya naman ng magkaoportunidad ay hindi na siya nag-atubiling pasukin ang pagtupad sa kanyang pangarap, katuwang ang kanyang partner na si Vivien Bernardino at kapatid na si Erwin Nicolas na isang overseas Filipino worker na nasa Bahrain at dati ring barista.
Bunso sa tatlong magkakapatid, sinikap na itaguyod ni JP ang coffee shop na nakikilala sa pangalang Bean to Cup. Matatagpuan ito sa 45 Pat. Senador, Barangay Del Monte sa Quezon City.
Sa kalagitnaan ng pandemya noong Abril 2021, hindi naging hadlang sa pagsibol ng interes nina JP at Vivien na simulan ang kanilang negosyo. Hindi sila nagpatinag o nagpadala sa takot, kaya lakas-loob nilang itinayo ang kanilang kauna-unahang coffee shop sa pamamagitan ng online selling. Nang makita nilang may malaki itong potensyal, ipinagpatuloy nila ito hanggang sa kasalukuyan.
Mabilis na nakilala at pumatok ito sa panlasa ng publiko kaya naman unti-unti nilang dinagdagan ang beverages.
May iced coffee at non-coffee variants din na pwedeng pagpilian ng customers. Eventually, kumuha na sila ng pwesto sa mismong tapat lamang ng kanilang tahanan.
Hinubog ng panahon si JP sa paggawa ng kape dahil anim na taon ang kanyang karanasan sa pagiging barista, bukod pa sa nagtapos siya ng kursong Hotel and Restaurant Management o HRM sa STI College, Sta. Maria, Bulacan.
Mula sa pagtitimpla, hanggang sa pag asikaso ng mga papeles, koneksyon sa suppliers at pag-iimbentaryo, personal na tinitiyak ni JP na nasa ayos ang lahat para tuloy-tuloy ang daily operations, at kuntento ang bawat tumatangkilik na customers.
Sa unti-unting paglago ng negosyo, pinadali na ng modernong teknolohiya sa pagpapatakbo nito sa tulong ng mga online delivery service apps gaya ng Grab, Lalamove, Food Panda at Mr. Speedy. Maaari na ring magbayad sa pamamagitan ng Gcash.
Ikinalulugod at ipinagpapasalamat rin ni JP na nakakatulong din ang kanilang munting negosyo na Bean to Cup sa mga kababayang coffee farmers ng Benguet Province kung saan nagmumula ang kanilang coffee beans.
Ibinahagi din nila ang ilan sa patok na patok nilang produkto katulad ng bestseller na Cafe Suada gayundin ang kanilang specialty na Caramel Affogato at sikat na non-coffee Yakult drinks na ilan lamang sa 20 variants sa kanilang ipinagmamalaking produkto.
Payo nga ni JP sa mga nais pasukin ang ganitong uri ng negosyo, sundin ang puso at pinakanais na negosyo at manatili kung saan ka masaya.
Bisitahin, tikman at lasapin ang patok na patok na iced coffee ng Bean to Cup mula sa abot kaya subalit swak na swak sa panlasang Pinoy. Benedict Abaygar, Jr.