COLIFORM BACTERIA SA DAVAO RIVER TUMITINDI

COLIFORM BACTERIA

TUMINDI na ang level sa dami ng namamayaning coliform bacteria sa bahagi ng Davao River.

Ito ang napag-alaman kay Davao councilor Mary Joselle Villafuerte na kung saan ay umakyat na ang level nito sa 920,000 ang bilang ng micro-organism per 100 milliliter na coliform sa buwan ng Setyembre nitong taon.  Ang nasabing datos ay mula sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) na nagpapakita na ang nasabing bilang ng bacteria ay hindi na ligtas lalo na kung aksidenteng maiinom ang tubig.

Nabatid na ito rin ang rason na hindi pinahintulutan ang mga isasagawang swimming competitions at iba pang recreational activities sa Davao River.

Nauna nang inihain ni Villafuerte ang “Zero Open Defecation” ordinance sa lungsod kung saan mandato ito sa lahat ng mga bahay na guma­mit ng banyo na may septic tank at kailangan na i-practice ang tamang pagtapon ng dumi.

Matatandaang nagpositibo rin ang Davao river sa polio virus base sa resulta ng isinagawang eksaminasyon. BENEDICT ABAYGAR, JR.