NAHAHARAP sa malaking hamon ang pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos aprubahan ni Panguling Ferdinand Marcos, Jr. ang kanilang tax collection goal para sa 2024 sa layuning higit na masustinahan ang mga pangangailangan para sa mga gastusin para sa mga proyekto ng pamahalaan para sa sambayanang Pilipino.
Sa BOC, ang iniatang na tax collection goal para sa taong 2024 ay P1 trilyon, mas mataas ng 14.41% kumpara noong 2023 na P874 bilyon lamang. Ang bawat port collector ay inaasahang kokolekta ng P118.3 bilyon mula sa mga import duties at taxes, P624 bilyon mula sa Value Added Tax sa inbound shipments, P242 bilyon mula sa excise tax at P15.22 bilyon naman mula sa iba pang buwis.
Sa BIR, ang tax collection goal para sa 2024 ay P3.857 trilyon, tumaas ng 15.44% mula P2.64 trilyon noong 2023.
Ang tax payments mula sa mga individual income earner ay inaasahang aabot sa 13% sa P771.16 bilyon habang ang tax payments mula sa mga kompanya, korporasyon, at enterprises ay inaasahang lolobo sa 9.2% sa P604.57 bilyon at ang iba pang buwis ay inaasahang tataas din ng 9.6% sa P176.9 bilyon.
Ang tax goal sa bawat regional office at revenue district office ng BIR ay hindi muna inihayag ng Collection Statistics ng Department of Finance at maging ng BIR habang patuloy ang computations sa kung magkano ang idadagdag mula sa nakaraang taong koleksiyon sa bawat rehiyon at distrito.
Ang BOC at BIR ay kapwa naka-goal mula Enero hanggang Disyembre 2023.
Sa datos na nakalap mula sa Department of Finance (DOF), sa BIR, nasa P2.67 trilyon ang tinatayang nakolekta nito o higit pa, na 11.61% na mas mataas kaysa sa kanilang P2.39 trilyong koleksiyon noong 2022. Ito ay binubuo ng taxes on net income and profits (P1.295 trilyon), taxes on domestics goods and services (P1.073 trilyon) at taxes on property (P15.218 bilyon).
Sa BOC ay umabot sa P660.716 bilyon ang nakolektang duties and taxes na mas mataas ng 2.57% kumpara sa kanilang goal noong 2023 at isa sa mga dahilan ng pagtaas ay ang matagumpay na pagpapalakas ng anti-smuggling operations na nagdulot ng pagkakakumpiska sa P35.063 bilyong halaga ng goods.
Kung tumaas man ang koleksiyon sa buwis ng BOC at BIR, ito ay nababatay sa Budget Expenditures and Sources of Financing report dahil ang combined total tax revenues para sa fiscal year 2023 ay umaabot sa P3.464 trilyon at pakahulugan ito ng pagtaas ng P1.8 trilyon o 48% sa kanilang combined target.
Ang pagtaas ng tax collections ng BOC at BIR ay may kinalaman sa tax evasion cases na isinampa sa korte, gayundin ng smuggling cases na patunay lamang na matagumpay ang kampanya ng Rentas at Aduana laban sa mga indibidwal at negosyante na patuloy na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Marapat lamang na papurihan ni Pangulong Marcos sa kanilang excellent na collection performance sina BOC Commissiiner Bienvenido Rubio at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr.