ni Riza R. Zuñiga
ANIM na alagad ng sining ang naglunsad ng art exhibit sa Yani Cafe noong ika-27 ng Agosto 2022 bilang pagkilala sa suportang kayang ibigay ng kaibigan para sa kaibigan at para makatulong din sa Tahanan ng Pagmamahal Children’s Home sa Pasig City.
Lubos ang pasasalamat ng kinatawan ng Board of Trustees (BOT) ng Tahanan ng Pagmamahal na si Atty. Lamberto Tagayuna, pangulo ng BOT, kasama ang kaakibat sa paglulunsad ng mga proyekto para sa bata na sina Nila Valdez, Executive Director ng Tahanan at mga staff na sina Ai, Maricris at Kingly James.
Sa pagbubukas ng exhibit, nagbigay pugay rin ang mga batikang alagad ng sining na sina Rafael “Popoy” Cusi at Allanrey “Migz” Salazar. Sila ay patuloy na magbibigay ng inspirasyon para sa ikauunlad ng mga proyektong pambata sa bayan man ng Pasig ito ganapin o sa ibang karatig bayan sa kalakhang Maynila.
Tatlong magkakaibang galing at talento ang ipinakita nina Maricris Calaustro, sa pag-awit; Arlene De Castro-Añonuevo, sa pagtula at kasama rin sa art exhibition at madamdaming sayaw na ipinamalas ni Doris Rodriguez na isa ring alagad ng sining at miyembro ng Kasibulan. Naging panauhin din ang dating pangulo ng Kasibulan na si Architect Mary Rajelyn Busmente at dating naging ikalawang pangulo ng Kasibulan na si Eden Ocampo.
Nagkaroon ito ng FB Live Streaming nang araw na iyon, si Jessie De Lara ang naging punong abala at master ng seremonya at nagpakilala sa anim na alagad ng sining na sina: Arlene De Castro-Añonuevo, Eduardo Busmente, Alfred Capiral, Fredo Martirez, Victor Puruganan at Riza Zuniga. Ang kanilang mga obra ay matutunghayan hanggang ika-27 ng Setyembre 2022.
Ang art exhibit ay patunay lang na kayang lampasan ng bawat alagad ng sining ang lungkot at takot mula sa pandemya at mas panaigin ang imahinasyon at pagiging malikhain upang matapos ang isang obra. Kaya’t ang bawat alagad ng sining ay nagagalak sa muling pagbubukas ng mga museo at alternatibong puwang para sa mga naipintang obra.