COLLEGE DROPOUT, NAG-TESDA, HOTEL STEWARD NA SA CRUISE SHIP

ISANG college dropout ang nagdesisyon na mag-TESDA para magkaroon agad ng trabaho.  Kumuha siya ng mga short courses sa ilalim ng Tourism qualifications. Ngayon, isa na siyang matagumpay na  Hotel Steward/Aquatic Attendant sa isang Cruise Lines na kumikita ng P40,000 kada buwan.

Pagka-graduate ng high school, nag-enroll si Ruben Nikko F. Villapando sa kursong Bachelor of Science in Education sa  Marinduque State College noong 2010, su­balit hanggang first year lamang ang kanyang  natapos dahil sa  kakulangang pinansiyal.

Isang taon matapos tumigil sa pag-aaral, naisipan  ni Nikko  na mag-enroll sa marine school. Subalit napagtanto nito na subukang kumuha ng mga short courses sa Tourism Qualifications para makapagtrabaho siya agad.  Maliban dito, para hindi na siya mag-iisip tungkol sa kanyang tuition fee. Kaya naman nag-enrol siya sa Torrijos Poblacion School of Arts and Trades(TPSAT), isa sa mga accredited TVET school ng TESDA.

“I was about to enroll in a marine school but then I realized that, why not try Tourism under short courses so I can have a job in just a year or two and at the same time I don’t have to think about the tuition fees? That’s when I started to enrol at TPSAT.”

Bunso siya sa tatlong magkakapatid.  Ulila na sa ama na namatay bago pa ipinanganak si Nikko. Kaya ang kanilang  ina ang naging haligi at ilaw ng tahanan. Pagmamasahe at paggugupit  ng buhok ang trabaho ng kanilang nanay.  “Gayunpaman, hindi niya kami pinabayaan at nakapagtapos kami ng high school kaakibat na rin ng pagsisikap niyang kumayod para masuportahan kami.”

Kumuha siya ng  Front Office Services, Housekeeping NC ll, Food & Beverage Services NC ll, Cookery NC ll at Bartending NC ll mula 2012-2014.  Agad siyang nakapasok sa  isang catering service bilang  catering staff, at  naging  room attendant sa  iba’t ibang  malalaking hotel sa Metro Manila.

Sa kasalukuyan isa na siyang Hotel Steward/Aquatic Attendant sa Carnival  Cruise Lines simula pa noong 2017,  na sumasahod ng P40,000 kada buwan.

“As a TESDA graduate, you should not settle in just one place, have courage and go out where opportunities abound. You have  skills. Now I earn P40,000 working as Aquatic Attendant/Hotel Steward in a cruise ship,” ani Nikko.

Nakakapagbigay na siya ng tulong pinansyal sa kanyang ina at mga kapatid, nakakuha ng bahay na hulugan, nakabayad ng utang, at napagtapos ng kolehiyo ang pangalawa nitong kapatid.

Sa ngayon, pangarap niyang makapagtapos ng kolehiyo, makapagpundar ng negosyo at makabili ng lupa para hindi na siya mangibang bansa.

Comments are closed.