MASBATE- PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pagkasawi ng isang college student na binaril hanggang sa mapatay sa lalawigang ito.
Base sa report ng Masbate City police, binaril ang biktimang si Cheryl Condeza Baruelo, 32-anyos, 4th-year college student sa Osmena College at residente ng Purok 1, Barangay Bagumbayan, Masbate City habang naglalakad papauwi sa bahay na naglalakad sa Mirasol St. palapit sa kanilang bahay dakong alas-5:55 ng hapon.
Binaril sa ulo ang biktima na siyang agarang ikinasawi nito at hindi naman sinaktan ng mga salarin ang kasabay nitong naglalakad na si Rosa Mae Apaya.
Sinasabi sa imbestigasyon na si Baruelo na asawa ng isang pulis ay sinabayan at pinagitnaan ng dalawang lalaki at isa sa mga ito ay bumunot ng baril at malapitang binaril sa ulo.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng El Dorado, Brgy. Bagumbayan.
Sa kasalukuyan ay blanko pa rin ang pulisya sa motibo ng pamamaslang habang patuloy ang ginagawa nilang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga salarin at kung ano ang dahilan ng ginawa nilang pagpatay sa babaeng estudyante. BONG RIVERA