COLLEGE STUDENT TIMBOG SA MARIJUANA

tanza

CAVITE – SA rehas na bakal na tiyak magpapasko ang 21-anyos na second year college student matapos masakote sa ikinasang drug bust operation ng Tanza MPS Drug Enforcement Unit.

Naaresto nitong Miyerkules sa ganap na alas-5:50 ng hapon ang suspek na si alyas Andrei at nakumpiska sa kanya ang nasa humigit-kumulang 1500 gramo o katumbas ng isa’t kalahating kilo ng pinatuyong dahon ng Marijuana na may standard drug price na P180,000 sa Barangay Amaya 1, bayan ng Tanza, Cavite.

Narekober rin sa suspek ang P1000 marked money at 11 piraso ng P1000 fake bill/boodle money pati na rin ang backpack na pinaglagyan nito ng mga ilegal na droga.

Ayon sa suspek, napilitan lang umano siya na magbenta ng droga dala ng mahigpit na pa­ngangailangan.

Inamin din nitong pang-anim na beses na siyang umoorder ng Marijuana sa mga online sites mula sa mga hindi nya kilalang source.

Sa pamamagitan ng Gcash payment ang ba­yad ng suspek at kukunin na lang ang mga kontrabando kung saan ito ilalagay o ibabagsak ng courier (DEAD DROP).

At kapag hawak nito ang mga droga ay tini­tingi o tinatatarya niya ito mula sa puhunan na P18,000 ay naibebenta niya ang mga ito ng hanggang P40,000.

Hindi naman makapaniwala ang mga magulang ng suspek, hindi raw nila alam na may ilegal na aktibidad ang anak, mula nang bumukod ito ng tirahan dahil nagkaroon ng ka live-in habang nag aaral.

Kakasuhan ang estudyante ng paglabag sa Sec. 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

SID SAMANIEGO