HINDI napigilan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magpahayag ng pagkabahala hinggil sa bloke-blokeng cocaine na naglulu-tangan sa karagatang sakop ng Filipinas.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakapasok na ng Filipinas ang Colombian drug cartel kasunod ng pagbubunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, base sa sinuring sample ng ilegal na droga sa Matnog, Sorsogon noong taong 2018, lumalabas na ito ay gawa sa Colombia.
Sinabi ni Aquino na ginagamit ng mga dayuhang drug syndicates ang Filipinas bilang transshipment point sa kanilang cocaine.
Bagamat national concern ang isyu ng mga naglulutangang cocaine, hindi pa kailangang bumuo ng isang special task force, ayon kay Sec. Lorenzana dahil sapat naman ang kakayahan ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at PNP para tumulong sa kanila.
Nabatid na nagpadala na rin ng sample ng high-grade cocaine ang PDEA central office sa Drug Enforcement Agency (DEA) ng Estados Unidos upang malaman kung saang bansa nanggaling ang nasabing mga kontrabando.
Tinatayang nasa 164 kilo ng cocaine ang na-recover ng mga awtoridad sa karagatan nito lamang kasalukuyang buwan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.