COLOR CODED STICKERS SA ECQ PASS INIREKOMENDA

CAMP CRAME- IMINUNGKAHI ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration, ang paggamit ng col-ored stickers sa mga sasakyan at maging sa indibidwal para mapabilis ang pagsisiyasat sa mga biyaherong dumaraan sa checkpoint ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Alinsunod sa rekomendasyon ni Cascolan, ang mag-iisyu  ng color coded stickers ay ang barangay officials dahil ang mga ito ang nakaka-kilala sa kanilang nasasakupan.

Ang stickers ay magsisilbi ring quarantine pass at upang mabigyan nito ay kinailangang masiyasat muna ng barangay health worker kung ano ang estado ng kalusugan.

Kulay asul ang ibibigay na stickers sa indibidwal na “authorized” na makapasok sa quarantine area subalit kinakailangang siya ay malusog at mayroong kaukulang dokumento gaya ng identification card.

Kulay pula kapag COVID 19 positive o may iba pang karamdaman na ang kategorya ay emergency.

Sa pagkakataong ito, ang mga frontliner na may PPE (personal protective equipment) lamang ang maaaring lumapit at hahayaang makaraan agad ang indibidwal o sasakyan para magtungo sa ospital o anumang pagamutan.

Kulay puti kapag clear sa COVID, walang mahalagang dahilan para lumabas kaya ito ay “not allowed to go out”.

Sa paliwanag ng heneral, kaya hindi papayagan ang white sticker holder  ay upang makaiwas ito sa anomang pagkakasakit o pagkahawa sa nasabing virus.

Kulay orange kapag essential o mga naghahatid ng gamot, tubig at pagkain habang ang kulay itim kapag government employee na may ma-halagang layunin sa pagpasok sa quarantine area.

Bukod sa color coded stickers, inirekomenda rin ni Cascolan na magkaroon ng 200 meter pre-checkpoint upang mapigilan ang anomang disgrasya na kagaya ng naganap sa Maramag, Bukidnon kung saan inararo ng truck ang isang checkpoint na kumitil ng tatlo katao.

Layunin din ng pre-checkpoint na agad matukoy mula sa stickers kung anong lane papasok ang isang biyahero.

Paglilinaw naman ni Cascolan na ang pagpapatupad ng color coded stickers sa quarantine pass ay rekomendasyon pa lamang para sa mabilis na daloy at pagsisiyasat  ng mga sasakyan sa checkpoint. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.