KADALASAN ay nagsasawa tayo sa ayos ng ating tahanan. Kapag matagal na nga namang ganoon ang hitsura o ayos ng ating mga bahay o kuwarto, naghahanap o nag-iisip tayo ng bago at kakaiba.
Gayundin kapag lumilipat tayo—apartment man iyan o bahay, iniisip kaagad natin kung paano ito mapagaganda. Hindi rin naman kasi lahat ng nililipatan natin, maganda na o maayos nang tingnan o ang hitsura. Kadalasan, kailangan pa nating baguhin o lagyan ng kung ano-anong design na swak sa ating panlasa.
Mahirap din naman kasing humanap ng matitirhan na maganda at pasok sa taste mo. Makahahanap ka naman ng maganda pero ang malaking tanong, pasok ba sa budget mo? Siyempre, sa lahat ng gagawin nating desisyon, talagang nakakabit ang usapang pera. Bawat sentimo naman kasi ay pinaghihirapan natin. Aba, kung pinupulot lang ang pera, e ‘di lahat tayo, magaganda na ang bahay. Lahat nga lang din tayo, magiging tamad.
Oo nga’t pera ang kailangan sa pagpapaganda ng isang bahay. Pero, sa mga nagtitipid pero gusto pa ring i-upgrade ang kanilang mga tirahan, hindi kayo dapat malungkot dahil may paraan para makuha ninyo ang inyong mga gusto. Dahil marami tayong puwedeng gawing paraan para mapaganda ang ating mga tirahan. Marami tayong puwedeng gawin na hindi naman tayo gagastos ng malaki para maging maaliwalas sa paningin ang ating tinutuluyan at pinagpapahingahan.
At sa mga nag-iisip ng kakaiba o murang pandekorasyon, narito ang ilang tips na maaari ninyong pagbatayan.
ISAALANG-ALANG ANG PANGMATAGALANG DEKORASYON AT PAG-AAYOS
Siguradong kapag lumipat tayo, may mga bibilhin tayong kagamitan. Hindi naman puwedeng kahit na ilang pirasong gamit ay wala tayo. Siyempre, sa paglipat natin, iniisip din natin ang mga ilang bagay na bibilhin natin. Mga importanteng bagay na wala tayo pero kakailanganin natin. Sa pagbili ng kahit na anong bagay sa paglipat mo sa panibago mong tirahan, isipin mo ang kahalagahan at kung tatagal ba ang bibilhin mong gamit. Huwag tayong padadala doon sa pag-iisip na dahil mura bibilhin mo na kaagad. Dahil swak sa budget mo, hindi ka na maghahanap pa ng mas maganda at mas matibay.
Sabihin na nating may nakita kang higit na mahal pero sigurado ka namang matibay, iyon na ang bilhin mo. Mas magagamit mo pa siya. Hindi rin naman maganda kung bibili ka ng mura tapos ilang araw lang, masisira na ito. Magsasayang ka lang ng pera. Kaya bago ka bumili ng mga kakailanganin mo sa paglipat, mag-research ka kung anong mga gamit ang magaganda ang kalidad at kayang-kaya lang din sa budget. Tiyaga lang, makakahanap ka rin.
I-UPGRADE ANG WALL GAMIT ANG IBA’T IBANG WALLPAPER O WALL ART
Kung minsan, hindi natin gusto ang kulay ng ating wall. May panahon din namang nagsasawa na tayo sa kulay. Pero hindi mo kailangang mainis dahil may mga paraan para mapaganda ang wall mo. Kung marunong ka namang magpintura, puwedeng-puwede mo itong pinturahan ng kulay na gusto mo. Tiyak na mag-iiba ang dating ng inyong bahay kapag nagpalit ka ng kulay. Maganda rin kung ang gagamitin mong kulay ay masarap sa paningin. At kapag napinturahan mo na ang wall ninyo nang gusto mong kulay, maaari mo na itong sabitan ng frame at kung ano-anong abubot. Pero huwag sosobrahan baka naman pumangit. Tama lang ang ilagay mo. Dapat din ay akma sa lugar ang ilalagay mong pandekorasyon.
Maaari rin naman ang pag-create ng picture wall.
GAMITING PANDEKORASYON ANG MGA NATANGGAP NA REGALO
Maraming nagbibigay sa atin ng regalo. At kapag hindi pa naman natin gusto, itinatambak na lang natin. Hindi maganda ang ganoon. Kasi, lahat ng bagay na ibinigay sa iyo, tiyak na may paggagamitan iyan. Kaya naman, i-check mo ang mga iniregalo o ibinigay sa iyo ng mga kaibigan mo at kapamilya noong nakaraang mga taon at isipin mo kung paano mo ito magagamit.
Kaya, imbes na itambak na lang iyan sa isang gilid, maaari mo iyang gamiting pandekorasyon. Kung may mga kamag-anak ka namang may mga gamit silang nakatambak lang, puwede mo namang tingnan iyon at baka may maaari kang magamit. Puwede mong hingin kung hindi na nila kailangan.
Kaunting linis lang naman niyan, tiyak na mapagaganda mo na. Hindi ka na gumastos, napakinabangan mo pa ang mga nakatambak na gamit ng kaibigan mo o kapamilya. Naidisplay mo rin ang mga ibinigay sa iyo ng mga kaibigan mo at kapamilya.
CREATIVE STORAGE
Storage, iyan ang kailangang-kailangan natin. Pero kung may kaliitan lang naman ang lugar mo o ang apartment na tinitirhan, maaari ka namang bumili ng mga kagamitang doble ang pakinabang sa iyo.
Halimbawa na lang ay ang upuan o table, sa panahon ngayon, makabibili ka na ng upuan at table na bukod sa puwede mong upuan at pagpatungan, maaari mo pang gawing storage. Hindi nga naman sisikip ang bahay mo. Kaya kung maliit ang space mo, ganitong mga gamit ang hanapin mo, tiyak na matutuwa ka sa magiging pakinabang ng mga ito sa iyo.
SUMUBOK NG MGA DEKORASYONG KAKAIBA AT BAGO SA PANINGIN
Hindi rin naman kailangang bumili ka ng mga pandekorasyon, dahil kung mahilig ka sa art, tiyak na makagagawa ka ng mga bagay na swak na swak sa iyong tinitirhan.
Maganda rin ang pag-iisip ng iba’t ibang dekorasyon na bago at kakaiba sa paningin. Hindi nga naman kailangang makigaya pa.
Kaya naman, gamitin na ang kakayahan mo sa paggawa ng mga kakaibang design. Hindi naman kasi lahat ng dekorasyon ay nangangailangan ng malaking halaga.
Dahil sangkatutak na paraan ng pagdedekorasyon o pagpapaganda ng tahanan ang puwede nating subukan.
Kaya naman, mag-isip na ng iba’t ibang dekorasyon na makapagpapangiti sa inyong mata, gayundin sa inyong pakiramdam.
Nakatipid ka na, nagamit mo pa ang kakayahan mo at higit sa lahat, napaganda mo pa ang bahay mo. CT SARIGUMBA
Comments are closed.