PARA sa magaling na komedyanteng si Ariel Villasanta, hindi biro ang pinagdaanan niya para lamang mabuo ang pelikulang “Kings of Reality Shows” na kanyang isinulat, iprinudyus at idinirek.
“Naku po, Diyos ko! Kung sino-sino ang nilapitan kong personalities na nandito sa pelikula ko. Nandiyan si Davao City Mayor Sarah Duterte, si Senador Trillanes, si Yorme Isko Moreno, si Coco Martin at pati si Pangulong Digong,” pahayag niya. “Tinulungan nila ako para mabili ko iyong pelikula na na-shoot namin sa GMA Films noong araw. Binili ko iyong rights, kasama na iyong footages,” dugtong niya.
Masasabi rin daw niyang tribute ito sa kanyang namayapang ina na si Mommy Elvie na sumikat noon sa kanyang Mommy Elvie’s Problematic Show at Mommy Elvie@18.
“Yes, parang tribute ko na rin ito sa sa Mommy ko at sa lahat ng struggling artists sa buong mundo,” aniya.
Bida pa niya, kakaiba raw ang daloy ng pelikula dahil first time raw tayong makapanonood ng ganitong klaseng genre sa mga sinehan sa Filipinas.
“Iyong first 30 minutes nito ay kuwento ng tungkol sa struggles ko as an artist tapos iyong one hour naka-incorporate roon iyong tandem ni Maverick at iyong sa mga taong nilapitan ko at naging bahagi ng buhay ko. Kung sa States, meron silang Kardashian na patok, ‘di ba?
I think, magugustuhan ito ng mga tao kasi iba iyong reality because you’re acting as yourself at spontaneous siya. ‘Pag kasi may script, may tendency na maging OA minsan. Hindi ito scripted at iba pa rin kasi iyong natural. Sabi ko nga sa mga masscom students, feeling ko, after this, may gagawa nito, pero at least nauna na ako,” paliwanag niya.
Tsika pa niya, hindi raw naman siya nahirapang gawin ang pelikula bilang actor, producer, writer at director. Hindi rin daw siya nahirapang idirek ang mga prominenteng personalidad na nasa kanyang pelikula.
“Iyong mga nilapitan ko, kung ano iyong pinag-usapan namin, iyon na iyon. Kumbaga, spontaneous siya. They are themselves at hindi sila umaarte,” saad niya.
Sey pa niya, sa pelikulang nabili raw niya sa GMA ay kasama ang exploits nila ng kanyang ka-tandem na si Maverick at ito raw ay incorporated sa nagawa niyang engkuwentro sa mga personalidad na nakadaupang-palad niya.
Hirit pa niya, dahil din daw sa pagkaudlot ng kanilang proyekto noon sa GMA, naging dahilan din daw ito ng kanilang tampuhan na nauwi sa paghihiwalay ng kanilang tambalan.
“Alam ko, nasaktan din talaga siya kasi na-shelve ang pelikula, kaya iyon din ang dahilan kaya nag-iba na siya ng venture,” ani Ariel.
Ayon pa sa komedyante, nalulungkot lang siya dahil hindi naging maayos ang naging paghihiwalay nila ni Maverick.
Umaasa rin siya sa pamamagitan ng pelikula ay muling mapanumbalik ang kanilang pagkakaibigan at maibalik ang kanilang patok na tambalan.
Mapanonood ang “Kings of Reality Shows” ngayong Nobyembre.
Comments are closed.