NAKAHANDANG umaksiyon ang Commission on Elections (Comelec) sa panukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ‘disqualification’ (DQ) sa 2019 election sa mga kandidatong sangkot sa korupsiyon at ilegal na droga.
Sa panayam, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez, kailangan lang mailatag ni Año ang mga legal na batayan na itinatalaga ng Omnibus Election Code (OEC), upang maging ‘actionable request’ ang kanyang panukala at matugunan ito ng Comelec.
Aniya pa, mandato ng Comelec na “tanggapin” ang lahat ng aplikasyon sa eleksiyon o ang ‘certificate of candidacy’ (COC) ng sino mang kandidato at tanging isang petisyon para sa ‘disqualification’ ang tamang proseso sa pag-aalis ng kanilang mga pangalan sa listahan ng mga puwedeng tumakbo sa darating na halalan.
“If any of those people want to file their certificate of candidacy, the big question is, what does the DILG wants us to do? Deny, reject their application? Reject their COCs?
“That might prove difficult. Under the law, we (Comelec) have to accept all COCs,” ani Jimenez.
Ang paglilinaw ni Jimenez ay bilang reaksiyon ng Comelec sa pahayag ni Año noong isang linggo na ipapanukala niya ang pag-alis sa listahan ng mga kandidatong naakusahang sangkot sa katiwalian at bentahan ng ilegal na droga.
Ginawa ng inirerespetong dating ‘Chief of Staff’ ng Sandatahang Lakas (AFP) ang pahayag bilang bahagi ng kanyang kampanya laban sa korupsiyon at ilegal na droga sa hanay ng ‘local government units’ (LGUs).
Karamihan sa mga opisyal ay nasa ‘Narco List’ ni Pang. Duterte at ang iba pa ay isinumbong naman sa katiwalian sa ‘8888 Hotline’ na itinayo ng Malakanyang.
Una nang binanggit ni Año na ipapanukala rin niya na huwag nang isama sa listahan ng mga kandidato para sa darating na halalan ang pangalan ng mga lokal na opisyales na itinuturong responsable sa pagkasira ng kapaligiran ng isla ng Boracay.
Ayon pa kay Jimenez, dapat ding pag-aralang mabuti ng DILG ang mga probisyon ng OEC at hanapan ng batayang legal ang mga argumento nito upang mabilis na maaksiyunan ng Comelec.
“They (DILG) should study that (OEC). They should look if these people (candidates) have ‘disqualifying characteristics’ under the law (then), the task of disqualifying would be easy.”
Aniya pa, puwede ring maging ‘petitioner’ ang DILG hinggil sa plano nitong ‘DQ’ sa mga nabanggit na opisyales.
Comments are closed.