SIMULA ngayon ay maari nang magsumite ng kanilang application para sa security detail o police security escort ang mga tumatakbo para sa ibat ibang elected position.
Ayon kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos, pinasisimulan na nila ang pagtanggap ng application for security detail ng mga political aspirant na may mga kinahaharap na seryosong banta sa kanilang buhay.
Nabatid na kailangang gawin online ang kanilang application o mga request sa website ng Commission on Elections (Comelec) na www.comelec.gov.ph
I-download, i-print at pirmahan lang ang CBSFC form mula sa website ng Comelec at samahan ng 2×2 picture, threat assessment gayundin ang CBSFC form na ibibigay ng concerned government agency.
Una rito ay ipinag -utos ni Gen. Carlos ang pagbawi o pag-recall ng mga security detail ng mga VIP o mga kandidato, subalit maari naman itong ibalik at kailangan lamang nila na mag-apply muli at para maproseso ang kanilang aplikasyon.
Samantala, ang mga na -recall na police security detail ay nakatakdang sumailalim sa VIP Security and Protection Refresher Course.
Nilinaw naman ni PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba na exempted sa recall ng mga security detail ang mga government official gaya President, Vice President, Senate President, Speaker of the House of Representatives, Chief Justice ng Supreme Court, Secretary of National Defense, Secretary of the Interior and Local Government, Chairman at Commissioners ng Comelec, AFPN Chief of Staff, AFP Major Service Commanders, PNP chief at Senior Officers ng PNP.
Inihayag din nito na nagsisimula na rin tumanggap ng aplikasyon ang PNP at Commission on Election para sa mga kandidato na nagbabalak na kumuha ng gun ban exemption. Ang Comelec ay magpapatupad ng total gun ban para sa lahat maliban sa mga uniformed national security personnel sa panahon ng halalan.
“Under the COMELEC Resolution 10728, the poll body set regulations on the ban on the Bearing, Carrying or Transporting of Firearms or Other Deadly Weapons; and Employment, Availment or Engagement of the Services of Security Personnel or Bodyguards in the duration of the Election period from January 9, 2022, to June 8, 2022, ” pahayag ni Gen. Carlos.
Magsisimula ang election period sa Enero 9, 2022 hanggang Hunyo 8, 2022. VERLIN RUIZ