PINAG-AARALAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na bigyan ng kapangyarihan ang kanilang Chairman na si Saidamen Pangarungan na agad makapaghain ng kautusan sa pagsasailalim nito sa Comelec control sa anumang lugar sa bansa.
Ito ayon kay Comelec Commissioner Atty. Erwin George Garcia ay upang mapabilis ang mga paghahandang ginagawa ng komisyon para sa halalan sa Mayo.
Sa ganitong paraan, hindi na aniya kailangan pang hintayin ang pulong ng En Banc sa kada linggo, na posibleng magdulot lamang aniya ng pagkaantala, lalo pa kung kailangang aksiyunan agad ang isang lugar para maiwasan ang karahasan o kaguluhan.
Ibig sabihin, mabilis na aksiyon ang kailangan bago pa man mauwi sa ganap na kaguluhan ang sitwasyon.
Sa kasalukuyan, tanging ang en banc ng komisyon lamang ang may kakayahan at kapangyarihang maglagay sa isang lugar sa kontrol nito. Jeff Gallos