Kapag nagpasya si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog na kumandidato para sa dating puwesto, maaaring kanselahin ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang certificate of candidacy (CoC) dahil sa kanyang mga kaso.
Ito ang iginiit ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia nang tanungin ng media kung maaari bang maghain si Mabilog ng CoC para sa 2025 elections.
Paliwanag ni Garcia, binibigyang kapangyarihang ng Section 12 o Section 78 ng Omnibus Election Code o Section 40 ng Local Government Code ang Comelec na kanselahin ang CoC ng sinuman na nahaharap sa accessory penalty na perpetual special disqualification para tumakbo sa anumang posisyon.
Pinatalsik si Mabilog ng Office of the Ombudsman na may kasamang parusang perpetual disqualification na tumakbo sa anumang posisyon sa pakikialam niya sa awarding ng kontrata para sa towing service kung saan mayroon siyang interes.
Sa hiwalay na kaso, pinatawan ng Office ng Ombudsman ng perpetual disqualification si Mabilog dahil sa “serious dishonesty” kaugnay ng hindi niya maipaliwanag na yaman. Ang nasabing desisyon ay binaligtad ng Court of Appeals, ngunit ito’y inapela ng Ombudsman sa Supreme Court.
Sa isang Facebook post, sinabi ni dating Iloilo City councilor Plaridel Nava na kumuha siya ng kautusan ng Ombudsman laban kay Mabilog bilang paghahanda sa disqualification case na kanyang ihahain sakaling magsumite ang dating Mayor ng COC para sa anumang posisyon sa susunod na linggo.
Binahagi ni Nava na ibinasura pareho ng Court of Appeals at ng Supreme Court First Division ang apela ni Mabilog, dahil mali ang ginamit niyang remedyo para sa petition for certiorari ang Rule 65, sa ilalim na ang tamang remedyo sa ilalim ng Rule 43.
Dagdag pa rito, nawala na rin ang karapatan ni Mabilog na umapela dahil naghain siya ng motion for reconsideration nang lampas na sa tinatakdang panahon na 10 araw sa ilalim ng Section 8, Rule III ng Rules of Procedure ng Office of the Ombudsman.
Ipinunto rin ni Nava na wala na ring karapatan si Mabilog na iapela ang desisyon dahil walang apela na ginawa sa ilalim ng Rule 43 sa loob ng 15 araw matapos mula sa abiso.
”Sa nangyaring ito, bawal nang tumakbo o humawak ng anumang puwesto sa pamahalaan si Mabilog, maliban na lang kung makakuha siya ng presidential absolute pardon,” sabi ni Nava.
Maliban sa kanyang mga isyung legal, nakatakda ring imbestigahan si Mabilog ng Department of Justice (DOJ) ukol sa kanyang umano’y koneksiyon sa ilegal na droga.
Magugunitang isinama si Mabilog sa narco-list ng nakaraang gobyerno bunsod ng talamak na bentahan ng ilegal na droga sa Iloilo City sa kanyang termino.