PINAIIMBESTIGAHAN ng mga kongresista ng Bayan Muna Partylist ang umano’y data breach at hacking sa sistema ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa House Resolution 2434 na inihain nina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite, ay inaatasan ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na imbestigahan “in aid of legislation” ang data breach sa server ng komisyon.
Nitong Enero 10, isang pahayagan (Manila Bulletin) ang nag-report ng umano’y hacking sa system ng COMELEC bagay na pinabulaanan naman ng ahensya na hindi pa ito nangyayari.
Magkagayunman, pinaiimbestigahan ang nasabing akusasyon ng data breach sa COMELEC dahil kung mapatunayang totoo ay seryosong usapin ito sa darating na May 2022 elections.
Malalagay aniya sa alanganin ang kredibilidad ng halalan kung hindi ito agad maaaksiyunan at maimbestigahan ng Kongreso.
HACKING, ‘DI TOTOO – COMELEC
Itinanggi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang lumabas na ulat ukol sa umano’y hacking incident sa servers ng poll body.
“FAKE NEWS: Comelec server was hacked, not true. Manila Bulletin editor must verify,” saad sa Twitter post ni Guanzon.
Noong Lunes, iniulat ng Manila Bulletin na na-hack ang servers ng Comelec at na-download ang mga sensitibong file, kabilang ang usernames at personal identification numbers (PIN) ng vote-counting machines.
“How can they hack our servers when we don’t have PINs yet? ITD [Information and Technology Department] Director told me we don’t have PINs yet,” punto pa ni Guanzon.
Nauna nang sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na bineberipika pa ang naturang ulat.
Maglalabas aniya ang poll body ng final report ukol sa naturang insidente ngayong linggo. CONDE BATAC