KAHIT nagpapatuloy ng muli ang voter’s registration para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE), ay hindi pa rin mag-iisyu ng voter’s ID ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ang paglilinaw ni Comelec Spokesperson James Jimenez, kasunod ng mga inquiry na kanilang natatanggap hinggil sa pag-isyu ng voter’s ID.
“Just so we’re clear: despite the resumption of #VoterReg2018, there will still be NO ISSUANCE of voter IDs,” ani Jimenez, sa kanyang Twitter account.
Nitong Lunes, Hulyo 2, ay muli nang sinimulan ng Comelec ang voter’s registration, na magtatagal hanggang sa Setyembre 29, 2018, sa buong bansa, maliban sa Marawi City.
Bukas ang mga tanggapan ng Comelec sa mga taong nais magparehistro mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Sabado, at maging holidays.
Nilinaw rin ni Jimenez, na ang mga nagparehistro na sa Sangguniang Kabataan elections, na magiging 18-taong gulang na, ay hindi na kinakailangan pang magparehistro dahil awtomatiko na silang isasama sa regular roll of voters.
Matatandaang una nang sinuspinde ng poll body ang pag-imprenta ng voter’s ID matapos lumutang ang panukalang National ID System, na maaaring ipatupad ngayong taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.