COMELEC, HANDANG MAGBIGAY NG DAGDAG SEGURIDAD SA MGA KANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE AT BISE PRESIDENTE

TINIYAK ni Commission on Elections (Comelec) chairperson Saidamen Pangarungan na mapaiimbestigahan ang naiulat na mga karahasan sa Bukidnon at Lanao na sinasabing may kaugnayan sa eleksiyon sa Mayo 9.

Kasabay nito, sinabi ni Pangarungan na handa ang Comelec na payagan ang karagdagang security detail sa bawat kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo kung ito ang kanilang hihilingin.

“While the Comelec is in the process of investigation, we are offering additional security detail to every presidential and vice-presidential candidates upon their request,” ani Pangarungan.

Iyan ay maliban pa sa nauna nang pinapayagan bilang ng security personnel na maitatalaga sa bawat kandidato alinsunod sa Comelec Resolution 10777.

Kasabay nito, kinumpirma rin ni Pangarungan ang pagsasailalim na sa Comelec control ng mga munisipalidad ng Malabang at ng Tuburan sa Lanao del Sur dahil sa kasaysayan ng mga karahasan na may kaugnayan sa eleksiyon doon.

Tiwala ang Comelec chief na sa pagsasailalim sa kanilang kontrol ng nasabing mga bayan ay maiiwasan nang lumaki pa ang karahasan.

“These incidents of violence have no place in the process of our elections. This is why the Comelec has been more active in pursuing peace covenants and providing decisive action if threats that disturb peaceful elections arise,” diin ni Pangarungan. Jeff Gallos