WALA umanong namumuong tensiyon o pagkakahati-hati ngayon sa Commission on Elections (Comelec) sa gitna ng papalapit na May 9 national at local elections.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia, na nagagawa pa rin ng en banc ang mga trabaho nito at naaaksyunan ang lahat ng nakasalang sa kanilang mga agenda.
Sinasabing nagkaroon ng tensiyon sa hanay ng mga Commissioner nang magbitiw bilang chairperson ng Committee on the ban on firearms and security concerns si Commissioner Socorro Inting.
Ngunit sinabi ni Garcia na bagamat nabanggit sa en banc ang irrevocable resignation ni Inting, hindi ito inaksiyunan kaya’t nananatili pa rin siya bilang pinuno ng komite.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Comelec, umaabot na sa 1,904 ang inaprubahang gun ban exemption habang 855 ang nabasurang aplikasyon.
Sa ngayon ay nasa 1,268 pa na aplikasyon ang nakabinbin sa ebalwasyon ng gunban committee ng Comelec. Jeff Gallos