COMELEC, KASADO NA SA FILING NG COC

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na ‘all systems go’ na para sa pagsisimula ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato para sa 2025 Midterm election.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na handa na rin ang kanilang mga election offices sa buong bansa para tumanggap ng certificate of candidacy mula senador hanggang municipal councilors.

Inilipat na rin ng komisyon ang ilan nilang tanggapan sa mas malaking lugar upang ma-accomodate ang mga kandidato dahil maliit lamang ang kanilang mga opisina.

Ayon sa Comelec, kapag kumpleto ang lahat ng isusumiteng dokumento ay maaring ta­tagal lamang ng limang minuto ang paghahain ng COC ng bawat kandidato.

Nagpaalala naman si Garcia sa mga kandidato na siguruhing kumpleto ang lahat ng dokumentong isusumite upang hindi na maabala pa.

Kabilang sa mga dokumento na dadalhin ng isang kandidato ay ang kanilang COC, dapat may documentary stamp, notaryado, kalakip ang certificate of nomination and acceptance kung kaanib ng isang political party ngunit kung wala naman ay dapat nitong ideklara sa COC na si ya ay independent.

PAUL ROLDAN