COMELEC MAGSASAGAWA NG SATELLITE REGISTRATION

comelec

NAKATAKDANG magdaos ng Indigenous Peoples (IP) Satellite Registration Week ang Commission on Elections (Comelec) upang masigurong lahat ng mga mamamayan sa bansa ay makaboboto sa susunod na  eleksiyon.

Ayon sa Comelec, ang IP Registration Week ay idaraos nila sa buong bansa simula Setyembre 16 hanggang 20, 2019.

“In furtherance of the Comelec’s objective to ensure that the right of suffrage of the Indigenous Peoples is not hindered by issues of accessibi­lity and in anticipation of the upcoming National IP Month on October, a nationwide activity called the ‘IP Registration Week’ shall be conducted on 16-20 September 2019,” anang Comelec sa isang pahayag.

Sinabi ng Comelec na sa panahon umano ng IP Registration Week ay magdaraos sila ng satellite registrations sa bawat lalawigan sa buong bansa na tukoy na may IP population.

Isinasapinal pa naman sa ngayon ng provincial at regional offices ng poll body ang mga lugar kung saan isasagawa ang natu­rang satellite registrations.

Ayon sa Comelec, layunin ng proyekto na paigtingin ang kanilang registration efforts sa iba’t ibang IP communities sa buong bansa, maipakita ang kahalagahan ng mga IP voters bilang miyembro ng electorate, at mapataas pa ang kaalaman ng mga IP communities hinggil sa mga electoral issues at concerns sa bansa.

Sinabi ng poll body na ang lahat ng interesadong lumahok sa pagsasagawa ng naturang satellite re­gistration para sa kapakinabangan ng mga IP voters at communities sa kanilang lugar ay maaa­ring direktang makipag-ugnayan sa Office of the Election Officer (OEO) sa kanilang lungsod o munisipalidad o sa Office of the Provincial Election Supervisor (OPES) sa kanilang lalawigan.

Kasalukuyang nagdaraos ang Comelec ng nationwide voters registration na sinimulan nila noong Agosto at mag-tatapos hanggang sa Setyembre 30, 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ