NAGSIMULA nang magpadala ang Commission on Elections (Comelec) ng iba’t ibang election-related equipment, peripherals, forms at supplies na gagamitin sa May 9, 2022 National and Local Elections.
Nagmumula ang mga kagamitan sa warehouse ng Comelec sa Sta. Rosa, Laguna.
Sinimulan na ring ipadala ang vote counting machine external batteries at ballot boxes.
Ipapadala sa iba’t ibang panig ng bansa ang VCN external batteries hanggang Marso 31, habang ang ballot boxes naman ay hanggang sa April 10.
Susunod namang ide-deploy ang non-accountable forms at supplies sa mga provincial at city treasurer sa itinuturing na priority areas sa Pebrero 16, na magmumula naman sa Comelec warehouse sa Quezon City.
Ang mga VCM, consolidation and canvassing system (CCS) machine, at transmission equipment ay ipadadala Abril 2 hanggang 19.
Naka-schedule na ideploy ang mga official ballot at indelible ink mula sa National Printing Office (NPO) sa mga city at municipal treasurer sa Abril 20 hanggang Mayo 5.
“Notice has been given to all political parties, political candidates, party-list groups and accredited citizens’ arms of the Commission through the modes mandated by law,” ayon sa Comelec. PMRT