SISIMULAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahanap ng supplier para sa bibilhing ballot papers at marking pens na gagamitin para sa May 2019 midterm elections.
Ito ang nakapaloob sa “Invitation for Negotiated Procurement” na nilagdaan ni Atty. Maria Theresa Yraola, Special Bids and Awards Committee (SBAC) Secretariat Head, kung saan umaabot sa P166 milyon ang inilaang halaga ng Comelec para sa mga bibilhing suplay.
Sa nasabing halaga, P137.8 milyon ay para sa pagbili ng ballot paper, habang ang P28 milyon naman ay para sa higit isang milyong piraso ng marking pens.
Sa hiwalay namang “invitation to bid,” naghahanap din ang Comelec ng interesadong bidder para naman sa 104,165 piraso ng mga secure digital (SD) cards na bibilhin nito para gamitin pa rin sa automated elections.
Nabatid na nasa P78.5 milyon ang inaprubahang budget contract para sa nasabing proyekto.
Gayundin, idadaan ang pagbili sa mga SD Card sa competitive bidding.
Itinakda ang deadline para sa pagsusumite ng bid sa Nobyembre 19, 2018.
Comments are closed.