MAS mahigpit na ipinatupad kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang bagong panuntunan nila hinggil sa pagpapasok sa kanilang punong tanggapan ng supporters ng mga kandidatong naghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Director Frances Arabe, Director 3 ng Education and Information Division (EID) ng Comelec, nananatiling ‘4+1’ pa rin o apat na supporters sa bawat kandidato, ang ipinatutupad nilang polisiya sa paghahain ng kandidatura sa pagka-senador habang 10 katao naman ang papapasukin para sa mga partylist groups ngunit kasama na rito ang kanilang mga nominado.
Gayunman, kung mayroon aniyang ‘special consideration’ ay maaari naman silang pasabihan ‘in advance’ hinggil dito.
“’Yun pa rin po ang policy natin, walang nagbabago, 4+1 pa rin, but kung merong mga special na considerations ay puwede namang sabihan kami in advance. Ayaw lang namin ‘yung bigla na lang darating, tapos ang daming entourage,” ani Arabe.
“So sa default po natin ay 4+1 pa rin po, unless it’s really necessary na kailangang madagdagan po,” aniya pa.
Nauna rito, nitong Lunes ng hapon ay nakapasok sa punong tanggapan ng poll body sa Intramuros, Manila, ang dose-dosenang supporters ni Special Assistant to the President (SAP) Secretary Christopher ‘Bong’ Go, nang maghain ito ng kandidatura para sa pagka-senador.
Inamin na rin naman ni Comelec Spokesman James Jimenez na binigyan nila ng ‘special treatment’ si Go nang maghain ito ng kandidatura kasama mismo si Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang kanyang mga gabinete na sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Presidential Communications Secretary Martin Andanar, dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
Kinailangan kasing papasukin rin ang mga presidential security personnel, na tumitiyak sa seguridad ng Pangulong Duterte, ngunit dose-dosena rin namang supporters ni Go ang nakapasok sa COC filing area.
“To the extent that special allowances had to be made, and considering the personalities involved, yes,” ani Jimenez, nang tanungin kung binigyan ng Comelec ng special treatment si Go nang maghain ng COC.
Hinggil naman sa tanong kung bakit hindi nakialam agad ang Comelec at pinayagang makapasok sa filing area ang mga supporter, ikinatwiran ni Jimenez na, “Maybe it was because of the emotion of the moment, that’s why some rules were relaxed.”
Maaari rin aniyang maging magulo lamang kung makikialam sila sa kalagitnaan ng proseso, bukod pa sa naging maayos at mabilis rin naman ang paghahain ni Go ng kandidatura.
“Regardless of the volume of persons involved, the process of filing the COC went very smoothly and very quickly,” aniya pa. “Secondly, the President was here, and he would have to be accompanied by his security. That is something that goes beyond what normally happens. The safety of the President is paramount; allowances have to be made for that.”
Una naman nang tiniyak ni Jimenez na aalamin nila kung bakit pinayagang makapasok sa premises ng Comelec ang mga supporter, sa kabila nang protocol na kanilang ipinatutupad.
“We will find out why such relaxation happened,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.