COMELEC, NAGLABAS NG GUIDELINES SA PAGSISIMULA NG LOCAL ABSENTEE VOTING

NAGLABAS ng guidelines o gabay ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagsisimula ng Local Absentee Voting (LAV) sa Abril 27 na magtatapos sa araw ng Biyernes, Abril 29, 2022.

Ang LAV ay para sa mga magsisilbi sa mismong araw ng Eleksyon sa Mayo 9 kayat hindi na makaboboto sa naturang araw.

Kabilang sa paalala ng Comelec ang pananatiling sikreto o palihim sa pagfill-up sa balota mula sa Partylist hanggang Presidente.

Kailangan din ilagay ang balota sa dalawang envelope na ang labas ay susulatan ng pangalan na may lagda bago ihulog sa ballot box.

Sa datos ng Comelec Committee on Local Absentee Voting, nasa 84,357 ang naaprubahang bumuto.

Pinakamarami ang mga pulis na nasa 47,021 kasunod ang mga sundalo ng Philippine Army na nasa 34,570.

Kasama rin sa makaboboto sa ilalim ng LAV ang nasa 957 miyembro ng media.

Sa abiso pa ni Commissioner George Garcia, ang pinuno ng bawat tanggapan ang mamamahagi ng balota para sa hanay ng AFP at PNP bukod sa iba pang tanggapan ng gobyerno.

Ang mga kasapi naman ng media ay sa Comelec NCR  boboto.

Kabilang din sa mga LAV ay sina Comelec Chairman Saidamen Pa­ngarungan at Commissioner Aimee Neri.

Isasagawa naman ang pagbibilang ng boto sa LAV ganap na alas-7 ng gabi sa Mayo 9 sa Bureau of Treasury sa Palacio del Gobernador. JEFF GALLOS