DAPAT na tiyakin ng mga broadcast station sa bansa na nag-oorganisa ng mga debate na lahat ng senatorial candidates sa May 13 mid-term elections ay naiimbitahan nila.
Ito ang paalala ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, kasunod ng nalalapit na panahon ng kampanyahan para sa May 13 National at Local Elections (NLE).
Ayon kay Jimenez, ang mga nasabing debate, ay isa ring paraan ng voter education, kaya’t dapat na accessible ito sa lahat ng kandidato.
Nagbabala pa ito na kung ang iniimbita lang sa debate ay mga kaibigan o piling kandidato, ay maikokonsidera itong donated air time na papasok sa kategorya ng broadcast advertising.
Sinabi ni Jimenez na kahit hindi pa dumating lahat ng kandidato, ang mahalaga ay naimbita ang mga ito at nabigyan ng pagkakataon.
Sa ilalim ng Fair Elections Act, nakasaad na kinakailangan ang “written acceptance” ng kandidato na tumanggap ng donated advertisements.
Ang dokumentong ito ay isusumite naman sa Comelec.
Sa ilalim ng batas, ang mga kandidato sa national positions ay mayroong 120 minuto ng TV advertisement, at 180 minuto naman sa radyo.
Para naman sa mga lokal na kandidato ay 60 minuto lamang ang pinapayagan para sa TV network at 90 minuto naman sa radyo.
Una nang inilabas ng Comelec ang partial list ng mga kandidato sa pagkasenador para sa darating na halalan kung saan 76 na pangalan ang nakasa-ma.
Maaari pa naman aniya itong mabawasan dahil may 13 petisyon pa laban sa mga kandidato ang nakabinbin sa ngayon at naghihintay pa ng desisyon ng poll body. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.